PABAYANG MAGULANG MAAARI NANG MAKULONG

MAAARI nang makulong ng hanggang apat na taon at pagmumultahin ng P300,000 ang mga magulang na mapatutunayang nagpapabaya sa kanilang mga anak, kapag naisabatas ang panukalang gawin itong krimen.

Nakasaad sa House Bill (HB) 4807 o “Child Support Responsibility Act of 2022” na inakda nina Davao City Rep. Paolo Duterte at Benguet Rep. Eric Yap, na kailangang panagutin na ang mga ‘deadbeat’ o balasubas na magulang dahil habang tumatagal ay parami nang parami ang solo parents sa bansa.

Base anila sa report ng World Health Organization (WHO), 15 million Filipino na ang nag-iisang bumubuhay sa kanilang mga anak, at 95 percent sa mga ito ay mga kababaihan.

“Solo parents already have the responsibility of taking care of their kids on their own. They should not be burdened with the problem of compelling their irresponsible and negligent ex-partners to pay child support,” ayon sa panukala nina Duterte at Yap.

Dahil dito, kailangang turuan na ng leksyon ang mga balasubas na magulang at obligahin ang mga ito na suportahan ang kanilang mga anak kahit hiwalay na ang mga ito sa kanilang asawa.

Iginiit ng nabanggit na mga mambabatas na dahil sa pagiging balasubas ng mga magulang, nawawalan ng karapatan ang mga anak ng mga ito sa tulong, at tamang pag-aaruga.

Karaniwang nalalagay umano sa lahat ng uri ng pang-aabuso ang mga bata na pinabayaan ng kanilang balasubas na magulang kaya nais ng mga mambabatas na panagutin na ang mga ito.

“This proposed law aims to ensure that their kids have sufficient support for their subsistence and other essential needs,” ayon pa kay Duterte, kaya hiniling nito sa Kongreso na bigyang prayoridad ang nasabing panukala.

Upang matiyak din na maipatupad ang batas sa mga balasubas na magulang, hindi ito bibigyan ng karapatang magkaroon ng passport, driver’s license, professional at occupational licenses. (BERNARD TAGUINOD)

49

Related posts

Leave a Comment