PAG-ARESTO KAY ROSE NONO-LIN IKINABAHALA

INALMAHAN ng kampo ng negosyanteng si Rose Nono-Lin ang pagsama sa kanyang pangalan sa listahan ng mga “cite in contempt” ng Senado.
Si Nono-Lin ay pinaratangan na tinatakasan nito ang hearing ng Senate Blue Ribbon Committee bilang testigo sa Pharmally probe.

Ipinagtataka ni Atty. Alma Fernandez-Mallonga kung bakit kasama ang negosyante sa ipinaaaresto ni Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Richard Gordon kahit nag-abiso na si Lin na positibo ito sa COVID-19.

Batay sa resulta ng RT-PCR test ng 39-anyos na negosyante, nagpositibo ito sa virus noong Miyerkoles, January 26.

Pero Martes pa lamang ay hindi na ito sumipot sa kanyang mga event kaugnay ng pagtakbo niya bilang kinatawan ng Quezon City 5th District.

Giit ng kanyang abogado, bukod sa sertipikasyon ng family physician ay sinuri rin si Lin via teleconsult kaya’t nag-abiso ito sa committee tungkol sa kanyang kalagayan.

Dahil siya ay COVID positive, pinayuhan si Lin ng doctor na mag-quarantine at magpahinga dahil nakararamdam na rin ng pananakit ng tagiliran na posibleng may kinalaman sa abnormalidad sa colon at pamamaga ng kanyang gallbladder.

Ayon sa kampo ni Lin, dapat sanang si Gordon ang siyang nakakaintindi sa kalagayan nito dahil pinuno siya ng Philippine Red Cross at batid niya ang peligro na maaring maidulot ng isang COVID-19 positive sa ibang tao.

Giit din ni Atty. Mallonga, pitong beses at walang pagliban na dumalo sa pagdinig tuwing iimbitahan ang kanyang kliyente mula noong September 21 hanggang December 3, 2021.

Binigyan diin pa ng kampo ni Lin na hindi ito nagpapalusot at wala siyang intensiyong balewalain o takasan ang paanyaya ng Senate blue ribbon. (RENE CRISOSTOMO)

168

Related posts

Leave a Comment