PAGBABALIK MUNISIPYO NG EX-MAYOR NAUDLOT SA BARIKADA

NAPURNADA sa dami ng nakabarikadang residente ang pagbabalik sa munisipyo ng dating mayor sa malayong bayan ng Jomalig sa lalawigan ng Quezon.

Sa panayam sa mga residenteng nakapalibot sa gusali ng pamahalaang bayan, nanawagan ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor kay dating Jomalig Mayor Rodel Espiritu na maging mahinahon kasabay ng pakiusap na idaan sa legal ang usapin hinggil sa naging resulta ng nagdaang halalan.

Nitong nakalipas na Sabado, tinungo ng mga residente mula sa limang barangay ang poblacion kung saan sila nananatili sa hangaring pigilan ang di umano’y plano ng dating alkalde na pasukin ang gusali ng lokal na pamahalaan.

Katwiran ni  Espiritu, siya at hindi ang nakapwestong mayor na si Nelmar Sarmiento ang inihalal ng mga botante batay sa kalatas ng Infanta Regional Trial Court.

Sa datos ng Commission on Elections (Comelec), si Sarmiento ang ipinroklamang mayor ng naturang bayan matapos lumamang ng 13 laban sa noo’y incumbent mayor na si Espiritu. Subalit sa inilabas na desisyon ng Infanta RTC Branch 65, lumamang ng 18 ang dating mayor.

Tugon naman ng kampo ni Sarmiento, hindi pa “final and executory” ang inilabas na pasya ng korte, kasabay ng pahayag hinggil sa inihaing petisyon – bagay na inayunan naman ng batikang election lawyer na si Atty. Gilbert Lauengco.

“Mahaba-habang proseso yan. Usually, taon ang binibilang bago matapos ang protesta. In this case, nagulat ako dahil masyadong mabilis.”

Nang hingan ng panig si Espiritu, ito ang kanyang tanging sinabi — “Kung talagang meron pang legal process, I will abide by the rule of law.”

Gayunpaman, tumanggi ang mga nakabarikadang residente ng malayong munisipalidad sa lalawigan ng Quezon na lisanin ang munisipyo hangga’t walang katiyakan na hindi na papasukin ng dating alkalde ang gusali ng pamahalaang bayan. (CYRILL QUILO)

19

Related posts

Leave a Comment