PAGGAMIT NG BASTOS NA KARATULA SA PUVs BAWAL SA BULACAN

ISANG ginang sa Bulacan na nagmamay-ari ng pampasaherong jeepney ang inimbitahan sa Kampo Heneral Alejo Santos sa Lungsod ng Malolos at posibleng maharap sa kasong libelo dahil sa bastos na katagang nakasulat sa estribo nito na nag-trending sa social media.

Noong Miyerkoles ay napukaw ang atensyon ng Bulacan provincial government dahil sa kumalat na larawan sa social media ng isang public utility jeep hinggil sa “monologue” na nabanggit sa estribo, na ayon kay Governor Daniel Fernando ay isang uri ng pambabastos sa dakilang lalawigan ng Bulacan.

Agad na ipinag-utos ng gobernador kay Bulacan PNP director, Col. Relly Arnedo na hanapin at imbitahan ang may-ari ng nasabing pampasaherong jeep upang ipabatid ang kahihiyang idinulot nito sa mamamayan ng Bulacan.

Kinilala ang may-ari ng PUJ na si Eva Agmata, 48, balo, residente ng Bundukan, Bocaue na agad dumating sa kampo kasama ang kanyang anak. Siya ay personal na hinarap at pinagsabihan ni Fernando kaugnay ng mga katagang kabastusan na nakasulat sa estribo ng PUJ at dahil dito ay posibleng maharap sa kaukulang kaso ang ginang.

Ang mga katagang nakasaad sa estribo ay “Para umasenso ang Bulacan, kalibugan ay tigilan”.

“Hindi natin pinapayagan ang ganitong uri ng pambabastos, ito ay pag-yurak sa dangal at magandang imahe ng lalawigan ng Bulacan na hindi dapat gawing isang biro o katatawanan,” wika ni Fernando.

“Ever since we are promoting patriotism and heroism of our ancestors and every Bulakenyos tapos bababuyin lang, dapat ang i-promote nila bilang public utility vehicles ay husay at galing ng Bulakenyo at mga magagandang produkto mula rito,” ayon sa gobernador.

Nabatid na pinag-aaralan ngayon ng Provincial Legal Office (PLO) ang mga legal na aksyon para mapanagot ang may-ari ng jeep upang mabigyan ng leksyon at hindi na pamarisan ng iba.

Ayon kay Atty. Gerard Manalo ng Bulacan PLO, posible ring patawan ng “persona non-grata” ang pamilya na kabilang sa pinag-aaralan na ipapataw.

Ipinag-utos din ng gobernador ang paghuli sa iba pang mga PUV na mayroon ding kaparehong nilalaman ng mga komersyong pambabastos o hindi akma para makita o mabasa ng mga pasahero. (ELOISA SILVERIO)

54

Related posts

Leave a Comment