PARA sa Armed Forces of the Philippines (AFP) – Western Command, tagumpay ang pagkakapatay ng tropa ng pamahalaan sa hinirang na Amir ng Daulah Islamiyah sa buong East Asia at pinuno ng Islamic States of Iraq and Syria sa (ISIS) sa Pilipinas kamakalawa sa Marawi City, Lanao del Sur.
Napatay sa operasyon sina Abu Zacaria at Joharie Sandap, alyas Mursid, sub-leader ng grupo.
Ayon kay AFP Western Command Commander Lt. Gen. Roy Galido, ang engkwentro ay resulta ng pinagsanib na law enforcement operations ng AFP, Philippine National Police (PNP) at intelligence community.
Nangangahulugan aniya ito ng determinasyon ng pamahalaan na wakasan ang Islamic radicalism na isinusulong ng ISIS sa bansa, at babala sa lahat ng mga radikal na hindi sila tatantanan ng pamahalaan.
Naniniwala rin si Galido na pilay na ang operasyon at mahina na ang mga nalalabing miyembro ng teroristang grupo sapagkat patay na ang kanilang leader at sub leader at wala na rin silang pagtataguan pa dahil sa pinaigting na military operations.
Sa ulat, madaling araw ng Miyerkoles ay ginapang ng mga tauhan ng AFP- 103rd Infantry Brigade at mga tauhan ng PNP ang bahay na pinagtataguan ni Abu Zacharia.
(JESSE KABEL RUIZ)
