PAGKAWALA NG TRABAHO DULOT NG CDOs NAKABABAHALA

NAGPAHAYAG ng pagkabahala si Sen. Grace Poe sa pagkalagas ng mga trabaho sa mga kumpanyang nasa sektor ng telecommunications at broadcast na nag-expire na ang prangkisa at ngayon ay binibigyan ng cease and desist orders (CDO) ng National Telecommunications Commission (NTC).

“Walang may gustong mawalan ng trabaho lalo na sa panahon ngayon. Napakabigat na hamon sa isang kumpanyang sikaping makaraos habang hindi naman ito maaaring mag-operate,” saad ni Poe sa pagdinig ng Senate committee on public services na kanyang pinamumunuan.

Naobliga ang NTC na mag-isyu ng CDO sa mga kumpanyang expired na ang prangkisa mula nang magdesisyon ang Korte Suprema na hindi maaaring mag-operate ang mga ito nang walang prangkisa.

Nag-ugat ang desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng ABS-CBN, kung saan iniutos ng Office of the Solicitor General sa NTC na mag-isyu ng CDO sa kumpanyang pagmamay-ari ng mga Lopez dahil sa expired na prangkisa nito.

Noong hindi pa naipapasa ang desisyong ito, nag-iisyu ang NTC ng mga provisional authority sa nasabing mga kumpanya habang tinatalakay pa ng Kongreso ang kanilang mga prangkisa.

“Nakakatakot talaga ito. Dahil dito, marami ngayon ang naaapektuhan. Marami ang nawalan at mawawalan pa ng trabaho,” sabi ni Poe.

Ayon sa NTC, sinusuportahan nito ang Senate Bill No. 1530 na isinumite ni Sen. Franklin Drilon na naglalayong linawin kung ang pagkakabinbin ng aplikasyon ng prangkisa ay hindi nangangahulugang ipinagkakait na ito.

Parehong binigyang-diin nina Poe at Drilon na hindi kasalanan ng aplikanteng nakapagsumite naman ng mga kinakailangang dokumento, gayundin ng Kongreso na may napakahabang listahan ng agenda. (ESTONG REYES)

3

Related posts

Leave a Comment