KAILANGAN munang balansehin ang panukalang batas na isinusulong ni Senador Raffy Tulfo ukol sa paglilipat sa araw ng Lunes ng mga holiday na matatapat ng Sabado at Linggo.
Sa Laging Handa Public Briefing, tinuran ni National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillon na bagamat makatutulong talaga sa domestic tourism ang nasabing panukala, may kailangan pa rin aniya kasing dapat na maikonsidera.
Ani Edillon, kabilang dito ang posibilidad na magkaroon ng “additional cost of doing business” kasama na ang dagdag bayad sa mga tao sa araw ng holiday.
Wala aniyang duda na may magandang dulot ang panukala lalo na sa aspeto ng pagkakaroon ng matatag na pamilya at komunidad subalit kailangan lang na matiyak na balanse ito at beneficial sa lahat.
Una rito, ipinanukala ni Tulfo ang pag-amyenda sa Holiday Economics Law na layong mas palakasin ang domestic tourism ng bansa at maisulong ang work-life balance ng mga empleyado at mga estudyante.
Sa Senate Bill 1651 ay pinaa-amyendahan ang Republic Act No. 9492 kung saan ang mga holiday na papatak sa araw ng Sabado o Linggo ay maaaring gunitain ng Lunes.
Ang Pilipinas ay mayroong 18 national holidays na ginugunita kada taon kung saan apat dito ay ikinokonsiderang ‘special non-working holidays’ at kung minsan ang mga holiday na ito ay tumatapat ng weekend. (CHRISTIAN DALE)
