PAGPAPAKAWALA NG TUBIG NG 3 DAM PATULOY

PINANGANGAMBAHANG matatagalan pa bago humupa ang mga pagbaha sa ilang lugar partikular sa Central at Northern Luzon na sinalanta ng Bagyong Egay dahil tuloy-tuloy ang pagpapakawala ng tubig sa tatlong dam.

Dahil na rin ito sa patuloy na pag-ulan dala ng Bagyong Falcon at habagat.

Batay sa pinakahuling datos ng PAGASA-Hydrometeorology Division, patuloy na nagbabawas ng imbak na tubig ang Ambuklao, Binga at Ipo Dam sa Norzagaray, Bulacan.

Umabot na sa 101.09 meters ang lebel ng tubig sa Ipo Dam na lagpas pa rin sa spilling level nito na 101 meters kaya’t nakabukas ng .15 meters ang isang gate nito.

Habang binuksan din ng 0.5 meters ang tig-isang gate ng Ambuklao at Binga dam.

Samantala, nadagdagan pa ng .75 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam dahil sa magdamag na pag-ulan.

Nagresulta ito para umakyat pa sa 195.80 meters ang tubig ng dam na mas mataas kumpara sa minimum operating level na 180 meters.

Pinangangambahan din ng state weather bureau na maging isang ganap na super typhoon si Falcon na makaaapekto umano sa ilang lugar na sinalanta ni Typhoon Egay na nagdulot ng mga malawakang pagbaha at pagkalunod ng mga pananim at pagkawasak ng mga imprastraktura.

Sinasabing umaabot na sa 107 lugar ang nagdeklarang under state of calamity.

Kasunod ito ng pagdedeklara ng Cagayan, Pampanga at Bulacan.

Kaugnay sa nakaambang pananalasa ni Falcon, “Hindi pa rin natin niru-rule out yung possibility na ito ay mag-intensify pa at maging isang super typhoon,” ani PAGASA weather specialist Grace Castañeda kahapon sa isang livestream.

“Dahil nga sa malaking radius nito or sakop nitong bagyong Falcon, hindi po natin niru-rule out yung possibility na kapag mas lumapit ito sa timog ng Okinawa islands [sa Japan], maaaring mahagip ng malalakas na hangin iyong area ng Batanes,” dagdag pa ni Castañeda. (JESSE KABEL RUIZ)

171

Related posts

Leave a Comment