PAGPONDO NG CHINA SA MINDANAO RAILWAYS TINABLA NA NG PINAS

TULUYAN nang binitiwan ng Pilipinas bilang funding source ang China para sa Mindanao Railway Project.

Sa katunayan, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na wala nang balak ang Pilipinas na ituloy ang Chinese loan financing para sa nasabing proyekto.

Sa sidelines ng 49th Philippine Business Conference and Expo sa Maynila, kinumpirma ni Bautista na tuluyan nang binitiwan ng gobyerno ang official development assistance (ODA) financing ng Tsina para sa pangunahing railway project sa Mindanao.

“Wala na… We’re now talking to other possible ODA partners,” ayon kay Bautista sabay sabing hindi na umaandar ang negosasyon ng Pilipinas sa China.

Matatandaang, nauna nang umatras ang China sa pagpopondo sa tatlong multibillion-peso railway projects ng Pilipinas.

Kabilang sa nakansela ay ang Philippine National Railways (PNR) Bicol project, Subic-Clark Railway Project (SCRP) at ang unang phase ng Min­danao Railway Project (MRP).

Ayon naman kay Transportation Undersecretary for Railways Cesar Chavez, ito sana ang iiwang legasiya ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ilalim ng kanyang “Build, Build, Build” program.

Ang paliwanag ni Chavez, walang pondo ang gobyerno para sa naturang proyekto.

Aniya, maituturing na withdrawn na ang aplikasyon na loan ng Pilipinas sa state-owned China Exim­bank nang kanselahin ang aplikasyon ni dating Finance Secretary Carlos Dominguez na dapat sana ay ginawa munang suspended animation.

“Ang totoo niyan sa usapang diretso nag-back out ang China. Umatras ang China to fund the Calamba to Bicol, to fund the Tagum-Davao-Digos, to fund Clark to Subic,” aniya pa.

Ani Chavez na nais ng China na magkaroon ng tatlong porsyentong interes sa uutangin ng Pilipinas. Mas mataas ito sa 0.01 porsyento na alok ng Japan.

(CHRISTIAN DALE)

91

Related posts

Leave a Comment