PAGSIBOL NG IBA PANG URI NG PANDEMYA PAGHANDAAN

HINIMOK ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga kasamahan sa Senado na talakayin na at aprubahan ang panukalang pagbuo ng Center for Disease Prevention and Control na mangunguna sa pagresponde ng pamahalaan sa mga krisis pang-kalusugan tulad ng pandemya ng COVID-19.

Sa paghahain ng Senate Bill 825, sinabi ni Gatchalian na binigyang-diin ng pandemya ng COVID-19 ang panganib at ang pangangailangan para sa mas maigting na paghahanda, pagmamatyag, at pagresponde sa lokal, pambansa, at pandaigdigang mga antas laban sa mga susunod pang pandemya.

Upang maiwasan anya ang matinding dagok sa sistemang pangkulusugan na magdudulot ng matinding pagkakasakit at pagkamatay, pagkaantala sa kalakalan, at negatibong epekto sa ating ekonomiya, binibigyang diin ng panukala ang kahalagahan ng malakas na kapasidad ng ating sistemang pangkalusugan sa mga komunidad bago pa magkaroon ng isang malawakang krisis.

Sa ilalim ng panukala, ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at ang iba’t ibang tanggapan ng Department of Health (DOH), kabilang ang Disease Prevention and Control Bureau, Epidemiology Bureau, Health Emergency Management Bureau, Bureau of Quarantine, Health Promotion and Communication Service, ay pag-iisahin.

Ang naturang Center ang magiging pangunahing ahensya sa pagpapatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng communicable disease o nakahahawang sakit.

Bukod sa pagpigil sa pagkalat ng mga nakahahawang sakit, magiging saklaw rin ng mga tungkulin ng Center ang pananaliksik, pagsulong sa mga programang pangkalusugan, pagsasagawa ng clinical trials, at iba pa.
Susuriin din ng Center ang kakayahan ng local government units (LGUs) na pigilan ang pagkalat ng mga nakahahawang sakit. (DANG SAMSON-GARCIA)

23

Related posts

Leave a Comment