PAMAMAHAGI NG LUPANG SAKAHAN SINABOTAHE – FFF

MANANATILING mailap ang pinapangarap na lupain kung patuloy na ipagkakait ng mga nakaupo sa gobyerno ang pamamahagi sa mga lupa batay sa Republic Act 6657 (Comprehensive Agrarian Reform Law).

Sa kalatas, hinimok ni Federation of Free Farmers (FFF) chairman Leonardo Montemayor na ipatupad ang alituntunin sa reporma sa agraryo sa pampublikong lupain at ipamahagi ang patas na distribusyon ng lupang sinasaka.

Ayon kay Montemayor, may ilang ahensya ng gobyerno ang hayagang tumataliwas sa Executive Order No. 75 na nilagdaan ng nagdaang Pangulo ng bansa sa hangaring palakasin ang produksyon ng agrikultura.

Partikular na tinukoy ni Montemayor ang Departments of Environment and Natural Resources (DENR), National Defense (DND), at Justice (DOJ) na umano’y nagpaplanong iparenta ang malaking bahagi ng kanilang nasasakupan sa mga malaking korporasyon.

Patunay aniya ang pahayag kamakailan ng DENR sa alok sa ‘competitive bidding basis’ sa milyong ektarya ng nakakalbong gubat sa pribadong sektor sa layuning makalikom ng tinatawag na carbon credits.

Ang pagbubunyag ay ginawa ilang linggo matapos iutos ni Pangulong Marcos kay Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III na paspasan ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka bilang bahagi ng programang nagsusulong ng sapat at abot-kayang pagkain.

Una nang isinangkot ng isang DENR career official ang ahensya matapos ibasura ang hiling ng DAR na isuko ang titulo ng 2,000 ektaryang bahagi ng Yulo King Ranch (YKR) na bumabaybay sa mga bayan ng Coron at Busuanga sa Palawan para ipamahagi sa halos 1,000 magsasaka.

Akusa pa ng nasabing opisyal, may maniobrang ginagawa si DENR ni Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga na napag-alaman din aniyang tumatayong executor ng Yulo estate (kasama ang YKR) na naiwan ng kanyang amang higit na kilala bilang crony ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Pagbubunyag pa ng nabanggit na DENR official, ang 2,000-ektaryang bahagi ng YKR na nakatakda sanang ipamahagi sa mga magsasaka ay naigawad na noong 2009 sa New San Jose Builders Inc, ang kompanyang itinatag at pag-aari ni Jerry Acuzar na ngayon ay tumatayong Kalihim ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

122

Related posts

Leave a Comment