PAMILYA SAMA-SAMANG NAMATAY SA SUNOG

SAMA-SAMANG namatay nitong Martes ng madaling araw ang apat na miyembro ng isang pamilya nang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Concepcion sa Virac, Catanduanes.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection Bicol, bandang alas-3:00 ng madaling araw nang lamunin ng apoy ang bahay ng pamilya Buentiempo.

Ayon sa ulat na ipinarating kay PNP Regional Police Office 5 Director Jonnel C. Estomo, kinilala ang mga biktimang sina Rosemarie Buentiempo, 28; ang kanyang live-in partner na si Jzar Estacio, 25; Klyne Buentiempo, 7-anyos at Mix Buentiempo, 3-anyos.

Habang isa ang sugatan sa nasabing insidente na kinilalang si Benzon Buentiempo, 37, na kasama ng pamilya na nangungupahan sa isang bodega na pag-aari ni Nancy Benavidez sa Brgy. Concepcion.

Ayon kay Barangay Chairperson Anthony Arcilla, posibleng pasado alas-3:00 ng madaling araw nagsimula ang sunog at natutulog ang mag-anak kaya hindi namalayan ang pangyayari.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na faulty electrical wiring dahil sa octopus connection ang pinagmulan ng sunog. (JESSE KABEL)

122

Related posts

Leave a Comment