PANALO NI VICO NOONG 2019 PATUNAY NG SABLAY SA POLL SURVEYS

ANG panalo ni Pasig City Mayor Vico Sotto noong 2019 ay magandang halimbawa na hindi palaging tama at maaasahan ang mga election survey.

Mukhang patungo si noo’y incumbent mayor Robert Eusebio sa madaling panalo kay Sotto noon dahil palagi siyang una sa mga survey.

Isang linggo bago ang halalan, iniulat ng ilang survey firm na posibleng landslide ang panalo ni Eusebio dahil mayroon siyang 66 porsiyentong approval rating kumpara sa 38 lang ni Sotto.

Landslide win nga ang nangyari ngunit si Sotto ang lumitaw na nanalo matapos makuha ang 63 porsiyento o 209,370 boto, mas mataas ng 26 porsiyento kay Eusebio, na nakakuha lang ng 121,556 boto o 36.73 percent. Sa panalo ni Sotto, tinapos niya ang 27-taong pamamayagpag ng mga Eusebio sa Pasig.

Kamakailan, nagulat si presidential candidate at Senator Manny Pacquiao sa resulta ng Pulse Asia survey mula Feb. 18 hanggang 23 kung saan nabokya siya sa National Capital Region (NCR).

“Zero grabe,” ani Pacquiao, na pumang-apat lang sa survey na mayroong walong porsyento.

Sinabi ni Pacquiao na baka mas maraming tinanong ang Pulse Asia mula sa class A, B, at C, kumpara sa mga botante mula sa class D at E.

“Sino kayang maniwala doon? Baka ‘yung mga mayayaman lang ang tinanong nila. Hindi nila tinanong ‘yung mga mahihirap na tao,” wika ng Pambansang Kamao.

102

Related posts

Leave a Comment