PANGGUGULO NG CTG SA ALBAY, NAPIGILAN

CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur – Nasawata ng Philippine Army 49th Infantry (GOOD SAMARITANS) Battalion ang tangkang panggugulo ng mga miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) kasunod ng sagupaan sa Sitio Lilibdon, Barangay Maogog, Jovellar, Albay bago magbukas ang botohan kamakalawa ng umaga.

Kaugnay ito ng mas pinalawig na seguridad ng gobyerno para sa idinaos na national and local elections 2022.

Ayon sa report, ikinasa ng 49IB sa tulong ng Philippine National Police (PNP), ang isang operasyon matapos magbigay ng impormasyon ang nagngangalit na mga residente, ukol sa presensya ng limang armadong kalalakihan sa nasabing barangay, na nagtangkang manggulo sa proseso ng halalan.

Ayon kay Lieutenant Colonel Benjamin Tapnio, commander ng 49IB, nagbunga ang nasabing operasyon sa walong minutong palitan ng putok at pagkakakuha sa ilang mga kagamitan at armas, kabilang na ang isang M16 rifle, isang cal. 45, ilang mga bala, sari-saring kagamitang pangkomunikasyon, at mga maka-teroristang kagamitan pang propaganda at personal na kagamitan ng mga terorista.

Sa ngayon mahigpit na binabantayan ni Colonel Edmundo Peralta, commander ng 902nd Infantry (FIGHT and SERVE) Brigade, ang nasabing lugar.

Samantala, nagpahayag naman si Police Brigadier General Mario Reyes, Regional Director ng Police Regional Office 5 (PRO5), ng kanilang mas pinaigting na suporta sa kampanya ng army sa rehiyon kontra sa panggugulo ng CTG.

“Ang pangyayaring ito ay patotoo lamang sa mas pinatibay na pakikipag-ugnayan at suporta ng komunidad laban sa CTG, gayundin sa mas pinalakas na seguridad ng gobyerno ngayong Halalan 2022. Sa ating mga botante, mas maging masiyasat tayo sa pagbabantay sa ating kalayaan sa pagboto, ‘wag nating hayaan na mangibabaw ang pananakot ng mga teroristang NPA, lagi pong nakahanda ang tropa ng gobyerno na kayo’y protektahan maging ang proseso ng National and Local Election 2022,” ani Major General Alex Luna, commander ng 9th Infantry (SPEAR) Division at ng Joint Task Force Bicolandia (JTFB).

Kung maaalala, pinamunuan ni Maj. Gen. Alex Luna ang pagtatalaga sa mga personahe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Bicol noong Mayo 4, na siyang magsisilbing mga tagapamayapa at tagapangalaga sa proseso ng eleksyon kontra sa presensya ng mga magtatangkang manggulo, lalong lalo na ang CTG. (JESSE KABEL)

120

Related posts

Leave a Comment