PANGULO NG KOOPERATIBA PATAY SA AMBUSH SA LAGUNA

LAGUNA – Patay ang pangulo ng isang kooperatiba ng mga magsasaka sa bayan ng Sta. Maria sa lalawigang ito, matapos tambangan ng apat na mga suspek habang sakay ng kanyang AUV sa Marilaque Highway, Sitio Silangan, Brgy. Juan Santiago sa nasabing bayan noong Linggo ng umaga.

Kinilala ng Sta. Maria Police ang biktimang si Harrison Diamante, pangulo ng Juan Santiago Agriculture Cooperative.

Batay sa report ng Sta. Maria Police, tinatahak ng biktima ang Marilaque Highway sakay ng kanyang Adventure AUV nang harangin at tambangan ng apat na mga suspek na sakay sa isang puting L300 van dakong alas-7:45 ng umaga.

Agad nalagutan ng hininga ang biktima dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Tumakas naman ang mga suspek subalit nasabat ng nagrespondeng mga pulis sa Barangay Talangka ang sinasakyang van ng mga ito. Nagkaroon ng maiksing engkwentro hanggang sa maaresto ang dalawa sa mga suspek.

Kinilala ang naarestong mga suspek na sina Edgar Evangelio at Alex Vargas habang nakatakas naman ang dalawang kasama ng mga ito.  (NILOU DEL CARMEN)

41

Related posts

Leave a Comment