PANUKALA NI NOGRALES PARA SA MANGGAGAWA UMUSAD NA SA KAMARA

UMARANGKADA na sa mababang kapulungan ng Kongreso ang mga isinusulong na panukalang batas ni Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles na naglalayong paigtingin ang proteksyon sa karapatan ng mahihirap na manggagawa.

Kabilang sa mga ito ang House Bill No. 1270 – An Act Instituting Policies for the Protection and Promotion of the Welfare of Workers or Independent Contractors in the Film, Television, and Radio Entertainment Industry (Eddie Garcia Act); House Bill No. 6683 – An Act Promoting Inclusive and Sustainable Productivity Growth, repealing for the purpose Republic Act No. 6971, otherwise known as the Productivity Incentives Act of 1990 (Enterprise Productivity Act), at ang  House Bill No. 6718 – An Act Providing Protection and Incentives to Freelance Workers (Freelance Workers Protection Act).

Sa pamamagitan ng mga nasabing panukalang batas, hangad ni Nograles na mabigyan ng karagdagang proteksyon ang mga kapus-palad na grupo ng manggagawa sa pribadong sektor.
Nakipag-ugnayan na rin si Nograles sa pinuno ng International Labor Organization mula sa Switzerland na dumayo sa bansa kamakailan upang pag-aralan ang mga batas upang paigtingin ang mga karapatan ng mga manggagawa laban sa karahasan at pang-aabuso.

Isa sa kanilang mga tinalakay ang Anti-Endo Bill o ang panukalang palakasin ang karapatan ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Gayundin ang pag-amyenda ng Presidential Decree No. 442 o Labor Code of the Philippines para tuluyang ipagbawal ang kontraktwalisasyon sa pribadong sektor.

Nangako rin ang Kongresista sa mga kinatawan ng ILO na pagtutuunan ng pansin ng Kongreso ang employment issues at pangunahin dito ang pagtiyak sa seguridad ng mga manggagawa sa kanilang trabaho.

Kaakibat nito, ang tamang pasahod sa mga manggagawa sa harap na rin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Maraming manggagawang Pilipino ngayon ang umaaray dahil sa sobrang taas ng mga pangunahing bilihin na labis nagpapahirap sa mga sumasahod lamang ng minimum. (JOEL O. AMONGO)

171

Related posts

Leave a Comment