PANUKALANG AYUDA KONTRA INFLATION IKINASA SA KAMARA

SA gitna ng patuloy na pagsirit sa presyo ng mga pangunahing bilihin bunsod ng mataas na inflation rate, panibagong ayuda ang hirit ng Kamara sa hangaring maibsan ang dusang kinasasadlakan ng mga Pilipino.

Para kay House Speaker Martin Romualdez, higit na kailangan ang agapay ng pamahalaan sa mga sektor na lubhang apektado sa pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar.

Pagtitiyak ng House Speaker, kabilang sa prayoridad ng Kamara sa pagbubukas ng plenaryo ang pagsasabatas ng panukala sa pamamahagi ng panibagong ayuda, bago matapos ang taon.

“Congress will support the initiative of President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. to provide subsidies to the most vulnerable sectors to cushion the impact of global inflation,” ani Romualdez.

Gayunpaman, hindi naglabas ng ano mang detalye ang lider ng Kamara hinggil sa kategorya ng ayudang isusulong sa Kongreso. Paniwala naman ng ilang miyembro ng Kamara, kabilang sa masusing pinag-aaralan ang “cash transfer’ at diskwento sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Nito lamang nakalipas na buwan, pumalo sa 7.7% ang inflation rate batay na rin sa datos na isinapubliko ng Philippine Statistic Authority (PSA) – mas mataas kumpara sa 6.9% na naitala noong Setyembre.

Bukod sa ayudang pantapat sa inflation rate, pasok din sa prayoridad ng Kamara ang pagpapatibay sa P5.268-trilyong General Appropriations Act (GAA) na ngayon ay sinusuri na ng Senado.

“Of course, on top of our priority list is the final approval or ratification of the proposed P5.268-trillion national budget. We will have a budget before the end of the year.”

Samantala, tiniyak din niyang maipapasa sa ikatlo at huling pagbasa ang 16 hanggang 18 sa 30 Common Legislative Agenda (CLA) na napagkasunduan sa unang pulong ng Legislative-Executive Development Advisory (LEDAC) noong Oktubre 10.

“We will also speed up the passage of LEDAC-priority bills, including the E-Governance Act and E-Government Act, in response to the appeal of President Marcos Jr.”  (BERNARD TAGUINOD)

17

Related posts

Leave a Comment