NANAWAGAN si Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles para sa ‘recalibration’ ng Philippine National Police policy sa pakikibahagi sa mga operasyon upang maiwasan ang hindi kailangang karahasan na nagreresulta sa pagkamatay ng mga sibilyan.
Ang panawagang ito ni Nograles ay dahil sa nangyaring ‘lapses’
m nagresulta sa ‘mistaken identity killing’ sa isang 15-anyos na lalaki sa bayan ng Montalban sa isinagawang police operation.
“Hindi maaaring ‘shoot first’ ang policy ng kapulisan sa ganitong mga operasyon. Naiwasan sana ang pagkitil sa buhay ni John Frances Ompad kung hindi tila automatic response ang paggamit ng dahas sa mga operasyon,” ani Nograles.
Si Ompad ay napaulat na nabaril ng local police officer na si Cpl. Arnulfo Sabillo noong Agosto 20.
Si Sabillo, kasama ng iba pang mga naka-sibilyan, kabilang ang nakatatandang kapatid na si John Ace, ay lasing umano nang magsagawa ng “Oplan Sita” sa kanilang kapitbahay.
“Baka kailangang mag-back to school ang mga pulis natin dahil nalilimot nilang ‘To serve and protect’ ang motto nila. Parang paulit-ulit na lang ang ganitong balita na may namamatay na civilian dahil sa masyadong agresibo ang mga pulis natin,” dagdag pa ni Nograles.
“Our officers are enforcers, and should never be executioners of those whose welfare they have sworn to uphold,” banggit pa niya.
Kaugnay nito, umaasa ang mambabatas na ang isasagawang imbestigasyon ng Commission on Human Rights ay maging produktibo at magreresulta sa buong pananagutan ng mga suspek.
“Umaasa po tayo na sa tulong ng imbestigasyon ng CHR ay mabigyang-linaw ang sitwasyon at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni John Frances,” pahayag pa ng mambabatas.
“Nakikiramay po tayo sa pamilya ni John Frances Ompad. Isang sibilyan na naman ang nadamay sa operasyon ng ating kapulisan. Nawa’y itigil na ng PNP ang ‘shoot first’ policy upang maprotektahan ang ating mga kababayan na kanilang ipinangakong paglilingkuran,” pahabol pa ni Nograles.
(JOEL O. AMONGO)
218