PARAK TIMBOG SA DRUG BUY-BUST

ARESTADO ang isang 34-anyos na tauhan ng Philippine National Police – Police Drug Enforcement Group, sa inilatag na buy-bust operation ng Regional Drug Enforcement Group ng National Capital Regional Police Office( NCRPO) noong Lunes ng gabi sa Sta. Cruz, Manila.

Kinilala ni Police Major General Jonnel Estomo, Regional Director ng NCR, ang suspek na si Police Staff Sergeant Ed Dyson Banaag, may asawa, ng Barangay San Isidro, Pasay City.

Base sa ulat ni Police Lieutenant Ramon Czar Solas, commander ng Manila Police District – Sta. Cruz Police Station, bandang alas-8:45 ng gabi, nang ikasa ang buy-bust operation ng mga tauhan ng RDEU, sa pangunguna ni Police Captain Deni Mari Pedrozo, team leader, na inasistihan ni Police Lieutenant Colonel Ferdinand Casiano, matapos na makipag-ugnayan sa kanyang tanggapan sa Sta. Cruz Police Station 3.

Isinagawa ang buy-bust operation sa panulukan ng Rizal Avenue at Lope De Vega Street, Sta.Cruz, Manila, sakop ng Barangay 312, Zone 31 sa 3rd district.

Nang magkaabutan ng ilegal na droga kapalit ng pera, nakatunog si Banaag na pulis ang kanyang katransaksyon kaya pinaharurot ang minamanehong Yamaha NMax na kulay gray.

Ngunit nawalan ng kontrol at nagpagewang-gewang ang motorsiklo hanggang sa bumangga sa center island sa poste ng LRT- 1 sa Rizal Avenue.

Bunsod nito, nadakip ang suspek at nakumpiskahan ng 25 gramo ng shabu na may street value na P170,000.

Bukod sa hinihinalang shabu, kinumpiska rin ng mga operatiba ang service firearm ng nasabing pulis, Yamaha NMax, ang ginamit na buy-bust money at isang Iphone Promax.

Si Banaag na kasalukuyang nakakulong sa NCRPO, ay nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 5, Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002). (RENE CRISOSTOMO)

20

Related posts

Leave a Comment