PARCEL NG SHABU PATUNGONG OCCIDENTAL MINDORO, BUKING

CAVITE – Nabuking ang tinatayang mahigit sa P256,000 halaga ng umano’y shabu na ipadadala sa Occidental Mindoro, sa courier company sa Dasmariñas City noong Martes ng hapon.

Pinaghahanap ng pulisya ang suspek na kinilalang si Mark Catembuan, ang sender ng nasabing parcel, na mabilis na tumakas.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Wilson Aldea Tajanlangit ng Dasmariñas City Police Station, alas-2:00 ng hapon nang pumasok ang suspek sa LBC Branch sa Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City para magpadala ng parcel patungong Occidental Mindoro.

Nabatid sa salaysay ni Normelyn Herrera, empleyado ng LBC, ininspeksiyon nito ang parcel ng suspek na naka-bubble wrap na naglalaman ng  isang pantalon at isang short pants ngunit napansin nito sa pagitan na may nakasiksik na hinihinalang shabu.

Nang tinanong ni Herrera kung ano ang nakasiksik sa pagitan ng pantalon at short, hindi sumagot ang suspek sa halip ay mabilis na lumabas dahilan upang humingi ng police assistance ang una.

Nadiskubre sa nasabing parcel ang 39 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P255,399, na nakaipit sa isang pantalon at isang short. Gayundin ang LBC form na nakasulat ang pangalang Mark Catembuan. (SIGFRED ADSUARA)

104

Related posts

Leave a Comment