(JESSE KABEL)
PATAY sa pananambang ang isang alkalde at drayber nito, habang sugatan naman ang isa pang mayor na kasama nila nang tambangan ng hindi pa kilalang mga suspek sa Baliwasan Seaside sa Zamboanga City kahapon ng umaga.
Hindi umabot pang buhay sa pagamutan si Mayor Darussalam Lajid ng bayan ng Al-Barka, Basilan habang kritikal naman si Mayor Alih Awal Sali ng bayan ng Akbar sa Basilan. Patay rin sa insidente ang pinsan ni Mayor Sali na si Barad Nuruddin na nagmamaneho ng sasakyang tinambangan bandang alas-8:30 ng umaga sa isang baybaying bahagi ng lungsod.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, apat na hindi pa kilalang mga suspek na armado ng kalibre .45 na baril ang nagpaulan ng bala sa sasakyan ng mga biktima. Mabilis na tumakas ang mga suspek lulang isang kotse at bangkang de motor.
Agad namang pagdispatsa ng mga tauhan ang Zamboanga City PNP na naglatag ng checkpoints habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at motibo sa pamamaslang.
Samantala, kinondena naman ng isang kongresista mula sa Mindanao ang pananambang sa dalawang alkalde.
“I strongly condemn the killing of Al-Barka Mayor Darussalam Lajid early morning today at the Baliwasan Seaside, Zamboanga City. The incident also left Akbar Mayor Alih Salih and two security escorts wounded,” ani Deputy Speaker Mujiv Hataman ng Basilan.
“Hindi man kami magkasama sa partido, pare-pareho kaming mga Basileño nila Mayor Lajid at Mayor Salih na naghahangad nang mabuti para sa aming lalawigan at mga kababayan. Sa katunayan, matalik ko silang kaibigan at kasama sa Basilan Peace Riders at sa Basilan Practical Shooters Association,” ayon sa kongresista. (May dagdag ulat si Bernard Taguinod)
98