Ni FERNAN ANGELES
APAT na katao ang naitalang patay habang walo naman ang sugatan sa dalawang magkahiwalay na pananambang sa mga lalawigan ng Ilocos Sur at Cagayan, 48 oras bago ang takdang araw ng halalan.
Unang pumutok ang sagupaan sa pagitan ng mga tagasuporta ng mga magkakatunggaling kandidato nito lamang nakaraang Sabado sa bayan ng Masingal sa Ilocos Sur, kung saan napaslang ang mga biktimang kinilalang sina Lerry Pol Torda, Recto Bagani at dalawa pang kalalakihang hindi pa tinukoy ng lokal na pulisya ang pagkakakilanlan. May apat ding nasugatan sa nasabing insidente.
Agad din namang nadakip ng nagrespondeng mga pulis ang dalawang suspek na sina Minelio Tolentino Oliver at Eddie Uzon na tanod ng Barangay Labut kung saan naganap ang insidente.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng iba pang mga suspek na umano’y mabilis na tumakas.
Nakumpiska sa pag-iingat ng mga suspek ang isang kalibre .45 na baril na pinaniniwalaang ginamit sa pamamaslang.
Sa paunang ulat ng pulisya, lumalabas pulitika ang motibo sa likod ng karahasan sa pagitan ng mga tagasuporta nina mayoralty candidates Lorry Salvador Jr. at Alrico Favis, na asawa ng nakaupong alkalde ng naturang bayan.
Sa isang pahayag, ipinag-utos naman ni acting PNP chief General Vicente Danao ang isang malalimang imbestigasyon.
“I have already ordered a deeper probe into the circumstances surrounding the shooting incident. Again, we earnestly appeal to the public to be cautious and avoid making conclusions on the incident until the final report and recommendations are done,” aniya.
Sa bayan naman ng Peñablanca sa lalawigan ng Cagayan, nalusutan naman ng isang kapitan ng barangay at tatlong iba pa ang kamatayan makaraang paulanan ng bala ng mga suspek na lulan ng isang motorsiklo ang sinasakyang rescue service vehicle sa kahabaan ng National Highway, Barangay Quibal ng natirang lokalidad.
Kinilala ang mga biktimang sina Brgy. Captain Bonifacio Caliguiran at asawa nitong si Marvie Caliguiran, Armelante Collado at ang 13-anyos na si John Rey Caliguiran na pawang mga residente ng Nanguilattan, Peńablanca, Cagayan.
Narekober naman sa lugar ng insidente ang mga basyo ng balang ginamit sa pananambang.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP sa hangaring matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek na mabilis na tumakas sa hindi batid na direksyon.
Bago pa man pumutok ang dalawang insidente ng karahasan kaugnay ng halalan ngayong araw, naglabas ng datos ng PNP na 16 sa 63 insidente ng karahasan mula Enero hanggang Mayo 8 ang sinasabing beripikadong “election-related violence.”
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, pasok sa nasabing talaan ang sagupaang naganap sa bayan ng Magsingal sa Ilocos Sur. (Dagdag ulat mula kay JESSE KABEL)
100