Patungong United Kingdom PUPUSLIT NA 4 ARABO NAHARANG SA NAIA

NAPIGILAN ng Immigration officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tangka ng isang human trafficking syndicate na maipuslit ang isang pamilyang Arabo na may apat na miyembro, patungo sa United Kingdom.

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, ang apat na pasahero ay kinabibilangan ng isang nanay, at kanyang tatlong mga anak na naharang sa NAIA Terminal 3 noong Nobyembre 23 matapos na magtangkang sumakay sa isang Cathay Pacific flight patungong Hong Kong at papunta sa kanilang pinal na destinasyon sa UK.

Sinabi pa ni Tansingco, ang mga dayuhan ay nagpakita ng Seychelles passports sa airlines at immigration officers na nagduda sa authenticity ng travel documents.

Sa isinagawang eksaminasyon ng BI’s forensic documents laboratory, nakumpirma na ang passports na iprinesenta ay pawang mga peke.

Sinabi pa ni Tansingco, maliwanag na nabigo ang tangkang human trafficking ng international syndicate at ginamit ang Manila bilang transit o jump-off point para sa kanilang mga biktima.

Inihayag naman ni Atty. Carlos Capulong, BI port operations chief, ang mga pasahero ay dumating sa Manila noong Nobyembre 6 at nanatili sa bansa ng mahigit ng dalawang linggo bago nag-book para sa kanilang outbound flight. (JOEL O. AMONGO)

36

Related posts

Leave a Comment