NAGPALIT ng Presidential Security Group commander si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kasunod ng isang simpleng ‘change of command ceremony’ sa PSG compound sa Malacañang ground.
Bukod sa Presidential Security Group, pinalitan din ni PBBM ang pinuno ng AFP-Western Mindanao Command kahapon.
Habang ilang senior officers ng Armed Forces of the Philippines ang inaasahang manunungkulan sa kani-kanilang mga bagong posisyon kasunod ng inaprubahang ‘order of appointments’ ni Pangulong Marcos.
Ang responsibilidad na protektahan ang Pangulo at ang First Family, maging ang visiting heads of states and diplomats, ay inatang kay Air Force BGen. Jesus Nelson Morales, na nakatalaga bilang deputy commander ng Air Logistics Command.
Inilipat naman ni PBBM si dating PSG commander, BGen. Ramon Zagala para pamunuan ang Civil Relations Service ng Armed Forces of the Philippines.
Samantala, inalis bilang Inspector General ng AFP si Lt. Gen. William Gonzales para italaga bilang bagong Western Mindanao Command chief, kapalit ni MGen. Steve Crespillo na siya namang itinalagang kahalili sa binakanteng posisyon ni Gonzales.
Si MGen. Gabriel Viray III naman ay inaasahan na pamumunuan ang 1st Infantry Division, matapos niyang bitiwan ang kanyang puwesto bilang Deputy Chief of Staff for Civil-Military Operations, J7, at ipasa ito kay BGen. Arvin Lagamon, na siyang commander ng Civil Relations Service AFP.
Sa ginanap na “Assumption of Command Ceremony” na pinangunahan ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. sa Camp Aguinaldo, Quezon City, opisyal na itinalaga si BGen. Edmundo Peralta para pamunuan ang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).
(JESSE KABEL RUIZ)
404