(BERNARD TAGUINOD)
NAKABIBINGI ang katahimikan ng Pangulo sa usapin ng smuggling sa bansa na sumisira sa kanyang administrasyon.
Ito ang obserbasyon ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel.
“Ano ang kanyang masasabi sa ganung mga rebelasyon o sa mga umiikot na usap-usapan,” ayon pa kay Manuel.
Marami rin ang nagtataka kung bakit walang opisyal na pahayag ang Palasyo hinggil sa pagsasangkot sa pangalan ng kapatid ni Unang Ginang Liza Marcos sa isa sa mga pinangalanang smuggler sa bansa.
Noong isang linggo, nagpahayag ng pagdududa ang isang opposition solon sa Kamara sa pagtigil ng pagbusisi sa kontrobersyal na smuggling partikular sa agricultural products.
Sa press conference ng Makabayan bloc, sinabi ni House deputy minority leader France Castro na posibleng may katotohanan ang rebelasyon ng kolumnistang si Mon Tulfo na si Martin Araneta, kapatid ng Unang Ginang ay business partner ng tinukoy na smuggler na si Michael Ma.
“Tingin natin baka may katotohanan ‘yung rebelasyon ni Mon Tulfo dahil may related dyan sa ginaganap na Committee hearing ng Committee on ways and means. Kung matatandaan natin ne-reveal ni Congressman Horacio Suansing ‘yung 10 smugglers na nandun. Isa si Michael Ma [na] binanggit dyan,” ani Castro.
“Kaya siguro hindi ipinatuloy pa yung hearing sa House resolution ni Congressman Suansing dahil mabubulgar itong relasyon ng kapatid ni First Lady sa kinilalang smuggler (Michael Ma),” dagdag pa ng mambabatas.
Unang itinakda ng nasabing komite na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda noong Enero 30 ang ikalawang pagdinig sa smuggling activities subalit sa hindi malamang kadahilanan ay kinansela ito at hindi pa nagtatakda kung kailan itutuloy.
Sa unang pagdinig ng komite, hiniling ni Suansing sa komite na ipa-subpoena ang mga smuggler na kinabibilangan ni Ma na ayon kay Tulfo ay presidente ng China-Philippine Unified Enterprises (CPUE) kung saan vice president ang kapatid ng Unang Ginang.
Maging ang kapatid ng Pangulo na si Senador Imee Marcos ay ipinag-alala ang biglaang pagpapaliban ng Kamara sa imbestigasyon sa kontrobersyal na isyu ng smuggling sa bansa.
Ayon kay Marcos, chairperson ng S
enate committee on cooperatives, nababagabag siya sa mga alegasyon patungkol sa smuggling, lalo na’t personal umano nitong nalaman ang mga paghihirap ng mga magsasaka.
Giit ng senadora marapat lamang na imbestigahan ang akusasyon nang walang halong takot at pagpabor hanggang sa malaman ang buong katotohanan para sa mga magbubukid at sa ngalan ng katarungan.
“Wala na sanang postponement nang sa gayon, matapos na ang maraming taon ng paglusot at pagsalag, makulong na habambuhay ang mga kriminal, smugglers at mga walang malasakit na pasimuno nitong malawakang pagsasabotahe sa ating agrikultura!,” dagdag nito.
Salceda hinagupit
sa social media
Bagama’t matindi ang bashing na natatanggap sa hindi itinuloy na imbestigasyon sa smuggling activities sa bansa, nakabibingi rin ang katahimikan ni House ways and means committee chairman Joey Salceda.
“Cong Salceda, bakit di mo sinasabi sino nag-request ng postponement ng hearing sa Congress at the last minute? Ano yan? Puro Cover-up na lang? Wala ng katinuan sa gobyernong ito?,” komento ng netizen na si “Da Celistine”.
Naunang pumutok ang rebelasyon ni Ramon Tulfo na ang kapatid ni First Lady Liza na si Martin Araneta ay vice president ng CPUE kung saan pangulo si Ma.
Si Ma ang isa sa pinaghihinalaang smuggler ng sibuyas na noong Disyembre ay umabot sa P720 ang presyo kada kilo at pinakamahal sa buong mundo kaya isa ito sa ipinasu-subpoena ni Suansing.
Gayunman, sa hindi malamang kadahilanan ay hindi itinuloy ni Salceda ang imbestigasyon na siya mismo ang nagpatawag dahil sa umano’y talamak na smuggling activities sa Subic Port.
Maging si AGAP Rep. Nicanor Briones ay nagsabing hindi rin nila inaasahan ang biglaang pagsuspinde sa imbestigasyon ng Kamara.
Winarningan naman ni House Speaker Martin Romualdez ang mga smuggler na ‘bilang na ang araw ng mga ito” dahil seryoso umano ang Kongreso na panagutin ang mga ito.
