IIMBESTIGAHAN ng Philippine Competition Commission (PCC) ang umano’y double franchising ng Grab Philippines sa motorcycle ride-hailing industry.
Lumutang ang isyu ng double franchising sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services nang mapag-usapan ang pagbili ng Grab sa Move It at operasyon ng Grab Bike service.
Iginiit ng isang motorcycle organization na dapat mag-operate ang Grab Bike at Move It bilang isang kumpanya dahil isa lang naman ang kanilang may-ari.
Nangako naman ang kinatawan ng PCC na ilalabas ang resulta ng imbestigasyon bago mag-adjourn ang Senado sa Dec. 21 para sa Christmas break nito.
Natuklasan kamakailan ng Lipa City Council ang operasyon ng Grab Bike sa siyudad nang walang permit to operate mula sa lokal na pamahalaan, kaya itinuturing itong ilegal o “colorum.”
Sa pagdinig ng Senado, kinuwestiyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang sobra-sobrang recruitment ng riders ng Move It sa kabila ng kautusan ng ahensiya sa motorcycle taxis na itigil muna ang pagkuha ng bagong riders.
“May we know by what authority is Move It hiring new riders? Kasi tinigil na po namin,” tanong ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz sa kinatawan ng Move It, na umamin na nabigo silang iparating sa ahensiya ang pagbabago o pagdaragdag na kanilang ginawa sa hanay ng kanilang riders.
“You will have to be reprimanded for this. We will have to issue you a show-cause order,” wika ni Guadiz sa Move It, na sinabi pa na posible itong maging dahilan ng kanilang suspension.
1