PDEA SDO CHIEF, 6 PA TIMBOG SA DRUG BUST

ARESTADO ang isang opisyal, limang agent ng Philippine Drug Enforcement Agency – Southern District Office at kanilang driver sa ikinasang drug bust operation ng pinagsanib na pwersa ng NCRPO Regional Drug Enforcement Unit, RSOG, PDEG SOU NCR, Southern Police District DEU at Taguig City Police Station DEU.

Nabatid mula sa tanggapan ni Southern Police District chief, Police Brigadier General Kirby Kraft, dakong alas nuwebe ng gabi noong Martes nang masakote sa mismong opisina nila sa PDEA SDO Office sa A. Bonifacio St., Brgy. Upper Bicutan Taguig City, si Enrique Lucero y Guma, chief, PDEA SDO; at mga agent na sina Anthony Vic Alabastro y Alcazar, Jaireh Llaguno y Azores, Reynaldo III Zaide y Liwag, Alqueen Santiago y Sangalang, Caryl Dawn Dineros y Madrid, at personal driver nilang si Mark Warren Mallo y Sural.

Unang nakumpiska sa mga suspek ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 100 gramo at nagkakahalaga ng P680,000, at isang big size plastic sachet pa ng shabu ang nasamsam din at tinatayang may bigat na 1,250 gramo at nagkakahalaga ng P8.5 milyon, para sa kabuuang halaga na halos P9.2 milyon.

Nasamsam din sa mga suspek ang marked/boodle money, digital weighing scale at 8 baril na pag-aari ng mga ito. Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002

Pansamantala munang hindi nagbigay ng pahayag ang pulisya kaugnay sa pangyayari habang may mga pina-follow-up pa raw silang drug operation kaugnay nito. (ROSS CALDERON)

42

Related posts

Leave a Comment