PEKENG DENTISTA ARESTADO SA CAVITE

CAVITE – Inaresto sa entrapment operation ang isang umano’y pekeng dentista sa aktong nagsasagawa ng dental practice sa kanyang klinika sa Trece Martires City noong Linggo ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Syrah Rodriguez y Flouresca, 34, ng Brgy. Inocencio, Trece Martires City, Cavite.

Ang pagkakaaresto kay Rodriguez ay bunsod ng reklamo na ipinarating sa Philippine Dental Association (PDA), Cavite Chapter, hinggil sa pagsasagawa nito ng serbisyong dental sa kanyang mga kliyente.

Dahil dito, nagsagawa ng entrapment operation ang mga opeatiba ng Criminal Investigation ang Detection Group (CIDG) Cavite PFU (lead unit), Cavite PFMC, 401st A MC RMFB4A, Trece Martires CPS, Maritime Cavite, at PDA, dakong alas-6:00 ng gabi, sa 2nd Floor ng AGDC Bldg., Brgy. Inocencio, Trece Martires City, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa aktong nagsasagawa ng “dental practice” matapos ipain ang isang  poseur customer.

Nakumpiska sa suspek ang iba’t ibang dental equipment, tools at accessories na kanyang ginagamit sa pang-araw-araw niyang gawain..

Nabatid na ang suspek ay hindi lehitimo at hindi rehistradong dentista .

Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 33 (a) ng RA 9484 o The Philippine Dental Act of 2007. (SIGFRED ADSUARA)

35

Related posts

Leave a Comment