PEKENG NBI AGENT, SUNDALO ARESTADO

CAVITE – Dalawang lalaki na nagpanggap na ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at miyembro ng Philippine Army (PA) ang inaresto sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan.

Kinilala ang mga suspek na sina Roberto Jesus Padagas, 49, ng Timalan, Naic, Cavite, at Rolando Alcaraz Jr. y Domosmog, 38, ng Brgy. Tres Cruses, Tanza, Cavite, kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Art. 177 ng Revised Penal Code (Usurpation of Authority or Official Function) at karagdagang kasong threat kay Alcaraz.

Ayon sa reklamo ng isang Alexander San Juan, bumalik siya sa dati niyang pinagtratrabahuan bilang old sitter upang makuha ang naiwang cellphone na kinuha ng dati nitong kasamahan sa trabaho sa Manila Southwoods sa Brgy. Cabilang Baybay, Carmona, Cavite, dakong alas-9:30 ng umaga noong Linggo.

Ngunit nilapitan umano siya ni Padagas na nagpakilalang ahente siya ng NBI.

Bunsod nito, humingi ng tulong ang biktima kina P/SSgt. Shamir Valencia at Corporal Kenneth Angcao ng Carmona Police Station, na nagresulta sa pagkakaaresto kay Padagas na nakumpirmang hindi totoong ahente ng NBI.

Sa reklamo naman ng isang 37-anyos na negosyante at 19-anyos na lalaki, kapwa residente ng Brgy. Tres Cruses, Tanza, Cavite, inalok nila ng tulong si Alcaraz dahil sa kalasingan nito sa Brgy. Tres Cruses, Tanza, Cavite, dakong alas-2:20 kahapon ng umaga.

Subalit ikinagalit pa ito ng suspek na nagpakilalang miyembro ng Philippine Army, at sinabing “Makakapatay ako sa inyo”.

Dahil sa takot, humingi ng tulong ang dalawa sa pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto kay Alcaraz na napag-alamang hindi rin totoong sundalo. (SIGFRED ADSUARA)

150

Related posts

Leave a Comment