DAHIL sa isang simpleng paglabag sa batas trapiko, nadiskubre ng mga operatiba ng District Investigation Division, Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ang pekeng 18 kahon ng sigarilyo na tinatayang P1,440,000 ang halaga, sa loob ng closed van sa MTPB – Central impounding area sa Quezon Boulevard, Sta. Cruz, Manila.
Binitbit ng mga awtoridad ang driver ng closed van na si alyas “Johndreyl”, 31, at pahinanteng si alyas “Sixto”, 40-anyos.
Base sa ulat ni Police Major Edward Samonte, hepe ng DID-SMaRT, bandang 1:45 ng hapon noong Martes nang sitahin ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa Moriones Street, ang driver ng closed van dahil sa traffic violation.
Hindi umano huminto ang sasakyan kaya hinabol ng mga traffic enforcer at nang maabutan sa Capulong Street sa Tondo ay kinasuhan ng
reckless driving, disregarding traffic officer at no seat belt, ang tsuper ng van.
Dinala ang closed van sa impounding area kung saan nadiskubre ang laman ng van nang buksan nina Police Major Mark Dave Apostol, deputy chief ng SMaRT, at Police Captain Edgar Julian.
Wala umanong maipakitang dokumento ng kahong-kahong sigarilyo at natuklasang peke makaraang suriin ng mga kinatawan mula sa tanggapan ng Philip Morris Fortune Tobacco Corporation.
Bunsod nito, nahaharap din ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 7394 (Consumer Act of the Philippines), at Section 168 ng RA 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines). (RENE CRISOSTOMO)
