(BERNARD TAGUINOD)
INATASAN ng liderato ng Mababang Kapulungan ang mga kongresista na isuko ang kanilang expired na protocol plate na inisyu noong mga nakalipas na Kongreso.
Sa Memorandum na inilabas ni House Secretary General Reginald Velasco sa mga miyembro ng Kamara, maging ang mga ‘ipinagawang plakang 8’ ay kailangang isuko sa kanyang tanggapan sa lalong madaling panahon.
“This is respectfully request the immediate recall of all expired Protocol Plate No. 8 issued during the past congresses as well as all spurious protocol 8 plate which may have come to your possession,” bahagi ng memorandum.
Unang sinabi ni Velasco na wala pang inisyu na bagong protocol plates ngayong 19th Congress subalit maraming sasakyan ang gumagamit ng nasabing plaka.
“We want to clear the road of all these expired and spurious “8” plante before we release the official plates for the 19th Congress to all the House members,” ayon pa sa hiwalay na sulat ni Velasco sa mga kongresista.
Layon umano ng nasabing hakbang na tiyaking tanging ang mga lehitimong miyembro ng 19th Congress ang pwedeng maglagay ng protocol plate sa kanilang sasakyan upang maprotektahan ang integridad ng kanilang institusyon.
Makikipag-ugnayan din umano ang Kamara sa Metro Manila Development Authority (MMDA) sa kahilingan ng mga incumbent congressmen na bigyan ang mga ito ng konsiderasyon at ilibre sa traffic rules and regulations upang hindi maapektuhan ang pagganap ng mga ito sa kanilang trabaho.
