MAGSASAGAWA ang Philippine Coast Guard (PCG), kasama ang mga eksperto mula sa University of the Philippines Marine Science Institute (UP-MSI), ng underwater survey para inspeksyunin ang nasirang mga coral reef sa Rozul Reef at Escoda Shoal, na hinihinalang ang responsable ay ang China.
Ito ang napag-alaman mula kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Jay Tarriela.
Aniya, naka-monitor ang ahensya ng 33 Chinese Maritime Militia vessels (CMMVs) sa Rozul Reef, o kilala bilang Iroquois Reef, at 15 pa sa Escoda Shoal, o Sabina Shoal.
Ito rin umano ang mga lugar sa West Philippine Sea kung saan naobserbahan ng Armed Forces of the Philippines at National Security Council, ang mga pinsala, posibleng na-harvest na corals pati ang halos pagkawala ng marine life forms.
Kinumpirma sa PCG assessment ang mga natuklasan ng dalawang ahensya.
Sinabi naman ni UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea Executive Director Jay Batongbacal noong Lunes, sigurado siyang ang Beijing ang nasa likod ng nasirang mga bahura.
Ayon kay Batongbacal, ang patuloy na pagkapinsala ng marine biomes ay maaaring humantong sa pagbagsak ng produksyon ng mga mamalakaya sa West Philippine Sea, na magreresulta sa malaking dagok sa seguridad ng pagkain dahil ang nawasak na lugar ay nag-aambag ng 27% hanggang 30% ng produksyon ng mga mangingisda.
( RENE CRISOSTOMO)
329