PLANONG PAGPUGA NI ESPINOSA, BULILYASO

BULILYASO ang tangkang pagpuga ng aminadong drug lord na si Kerwin Espinosa makaraang inguso ng kapwa detenido sa National Bureau of Investigation custodial facility sa lungsod ng Maynila.

Pag-amin ni NBI Director Eric Distor, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y planong pagtakas ni Espinosa at dalawang pang iba.

Ayon pa aniya sa impormante, pupuslit palabas ng NBI custodial facility ang tatlo sa pamamagitan ng pagdaan sa butas kung saan nakakabit ang exhaust fan patungo sa kisame hanggang sa kabilang dulo ng air duct sa labas ng gusali.

Bunsod nito, agad naman aniya siyang naglabas ng direktiba para inspeksyunin ang tinukoy sa dadaanan ni Espinosa at ng dalawa pa nitong kasama. Dito na tumambad ang kupi-kuping exhaust fan at air duct na patunay ng tangkang pagpuga ng nakabilanggong mga personalidad.

“As soon as they received the info, they immediately acted on it without delay,” ani Distor.

Gayunpaman, tiniyak ng opisyal na mas mahigpit na ang pagbabantay ng kawanihan kina Espinosa at iba pang nakapiit sa NBI custodial facility.

“In view of this incident, security measures at the jail have since been tightened with regular inspection of all jail facilities,” aniya.

Disyembre ng nakaraang taon nang ibasura ng Makati Regional Trial Court ang kasong isinampa laban kay Espinosa, at iba pang pinaniniwalaang mga drug dealer na sina Lovely Impal at Wu Tuan Yuan kaugnay ng buy-bust operation sa Makati City, may ilang taon na ang nakararaan.

1 NAPATAY, 2 NAKATAKAS

Taliwas naman sa insidente sa NBI, tagumpay naman ang pagpuga ng dalawang preso habang napatay ang isa at isa ang nadakip makaraang tumakas sa New Bilibid Prison (NBP) facility sa lungsod ng Muntinlupa.

Tatlong katao, kabilang ang dalawang NBP personnel at isang preso ang sugatan nang tangkain ng mga awtoridad na pigilan ang pagtakas nina Pacifico Villaruz Adlawan, Arwin Bio at Drakilou Falcon na kapwa sentensiyado kaugnay ng kasong ilegal na droga, robbery, homicide at murder.

Sa paunang ulat ng NBP, naganap ang pagpuga bandang 1:20 ng madaling araw kahapon. Armado ng baril, pinaputukan umano ng apat na mga preso ang isang NBP guard na naka-duty sa Gate 4 ng NBP Compound bago tumungo sa Gate 3 kung saan isa pang jail guard ang binaril ng mga pugante.

Hindi naman nakalayo ang ikaapat na presong hindi na pinangalan ng kawanihan, nang paputukan ng nagrespondeng NBP personnel.

Sa ikinasang joint operation ng BuCor at ng Philippine National Police (PNP), napatay ang isa sa tatlong tumakas na mga preso na si Pacifico Villaruz Adlawan.

Ayon kay BuCor Spokesman Gabriel Chaclag, nagsasagawa ng clearing operations sa NBP Reservation nang may nakita ang mga ito na tumatakbo sa creek ng MCX Highway hanggang sa makorner si Adlawan na pinaputukan ng mga awtoridad

Hindi na inabutan pa ng mga ito sina Bio at Falcon na huling namataan sa kalapit na Sitio Magdaog.

Pagtitiyak ng NBP, patuloy ang kanilang pagtugis sa mga pugante. (RENE CRISOSTOMO)

92

Related posts

Leave a Comment