PNP CHIEF, IBA PANG SENIOR OFFICERS NEGATIBO SA DROGA

NEGATIBO si Philippine National Police Chief General Benjamin Acorda Jr. at 88 iba ang senior police officer sa traces ng ipinagbabawal na droga matapos silang isalang sa on-the-spot drug test sa loob mismo ng Camp Crame sa Quezon City.

Sinasabing bahagi ito ng kanilang isinasagawang internal cleansing sa kanilang hanay.

Ang unannounced on-the-spot drug testing ay bahagi ng command conference na dinaluhan ng 89 na matataas na opisyal ng PNP Command Group, Directorial Staff, Regional Directors, at National Support Unit Directors.

Nabatid na pinangunahan mismo ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., ang pagsasagawa ng surprise drug testing noong Biyernes.

“This surprise drug test underscores the PNP’s unwavering commitment to maintaining the highest standards of professionalism and ethical conduct among its members,” ani Acorda

Paglilinaw ng heneral , hindi lamang pagpapakita ng tamang kalusugan, physical fitness ng PNP commanders ang lumitaw na resulta ng drug testing kundi maging ang commitment ng pwersa ng pulisya sa integrity enhancement at cleansing sa kanilang rank, partikular na ang nasa command positions.

Batay sa resulta ng test na isinagawa ng PNP Forensic Group, negatibo sa droga ang lahat ng mga opisyal.

“It also serves as a clear message that the organization is resolute in its efforts to combat illegal drugs and ensure the integrity of its leadership,” dagdag niya.

Magugunitang 25 pulis na ang nagpositibo sa confirmatory drug tests sa hanay ng pulisya kamakailan, kabilang na si dating Mandaluyong police chief Col. Cesar Gerente.

Sa 25 na nagpositibo sa confirmatory drug tests, 8 na ang na-dismiss, 1 ang nag-resign, habang ang iba ay sumasailalim pa sa summary hearing proceedings.

(JESSE KABEL RUIZ)

302

Related posts

Leave a Comment