PNP, FULL ALERT NA SIMULA LINGGO

PAGSAPIT ng Domingo de Ramos sa Linggo (Abril 1), asahan ang mas mahigpit na pagbabantay ng Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang panig ng bansa kaugnay ng Semana Santa.

Sa isang pahayag, tiniyak ng PNP ang kahandaan sa implementasyon ng mga inilatag na security measures mula sa araw ng Linggo hanggang Sabado de Gloria (Abril 8).

Paglalarawan ng pamunuan ng pambansang pulisya, ‘all systems go’ na ang PNP sa isang buong linggong pagbabantay ng mga lansangan sa hangaring tiyakin ang maayos na paggunita ng tradisyon ng Simbahang Katoliko.

Inatasan na rin ni Interior and Local Government Sec. Benjamin Abalos Jr. ang PNP, Bureau of Fire Protection at mga lokal na pamahalaan na tiyaking ligtas at maayos mga kaganapang kalakip sa paggunita ng ‘Mahal na Araw.’

“Nakahanda po ang inyong Department of the Interior and Local Government,  katuwang ang Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at mga lokal na pamahalaan na patuloy na pangalagaan at protektahan ang ating mga kababayan sa mahalagang panahon ng paggunita sa Semana Santa 2023,” mensahe ni Abalos.

“Sa inaasahang pagdagsa ng libo-libo nating mga kababayan sa kanilang mga probinsya, inatasan ko ang PNP, BFP at mga local government units (LGUs) na manatiling naka-alerto para matiyak na magiging mapayapa, maayos, at ligtas ang obserbasyon ng Semana Santa sa buong bansa,” dagdag pa ng Kalihim.

Kabilang sa mga partikular na direktiba ni Abalos ang police visibility – lalo na sa mga lugar kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga Katoliko tulad ng malalaking simbahan, pilgrim sites, terminal, pantalan, at paliparan.

“Pati na rin sa mga mall at iba pang pasyalan upang matiyak na mababantayan at mapananatili ang kaligtasan ng publiko,” aniya pa.

Sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, naglatag na rin ng checkpoint ang lokal na pulisya sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Hindi rin aniya dapat maging kampante sa mga lugar na pasok sa kategorya ng ‘hotspot.’

Samantala, sinabi naman ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo na wala pa silang namo-monitor na seryosong banta sa seguridad para sa nasabing okasyon. (JESSE KABEL RUIZ)

154

Related posts

Leave a Comment