UNTI-UNTI nang lumilinaw ang kaso ng pagpatay kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at sa limang iba pa, ayon kay Philippine National Police chief, Police General Rodolfo Azurin Jr., kahapon.
Sa ginanap na pulong balitaan kahapon sa Camp Crame, Quezon City, inihayag ni General Azurin na may ‘persons of interest’ na silang tinututukan na hinihinalang sangkot sa pananambang sa grupo ni Vice Mayor Alameda sa Bagabag, Nueva Vizcaya noong Pebrero 9.
Nabatid na ilan sa mga ito ay kinukunan na ng pahayag at affidavit ng mga imbestigador subalit tumangging kilalanin ng heneral dahil nais nilang magkaroon ng airtight case laban sa mga suspek at sa mastermind sa insidente.
Samantala, isa sa mga motibong tinututukan ng PNP sa pagpatay kay Alameda ay may kaugnayan umano sa black sand mining bukod sa mga angulong personal na alitan at kampanya kontra droga.
Sinasabing tahasang tinututulan ni Alameda ang matagal nang black sand mining operation sa Cagayan.
Matatandaang bukod kay VM Alameda, patay rin sa ambush sina Alexander Agustin Delos Angeles, Alvin Dela Cruz Abel, Abraham dela Cruz Ramos, John Duane Banag Almeda, at Ismael Nanay.
Ang mga biktima ay lulan ng Starex van patungo sa Maynila nang tambangan sila ng mga armadong kalalakihan. (JESSE KABEL RUIZ)
