PNP-NCRPO pinakilos sa new quarantine system NCR ALERT LEVEL 4 MULA SEPT. 16

0

PAIIRALIN sa National Capital Region (NCR) ang Alert Level 4 sa pagsisimula ng pagpapatupad ng bagong COVID-19 Alert Level System ng pamahalaan sa Setyembre 16

Ito ay dahil sa kasalukuyang ay nasa ‘high-risk classification’ pa rin ang NCR kasama na ang ‘intensive care utilization’ sa rehiyon.

“NCR is currently at high risk case classification as it maintains a moderate risk two-week growth rate (TWGR) and high risk average daily attack rate (ADAR),” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Ipinaliwanag nito na tumaas pa sa 39.09 ang ADAR mula sa 30.44 noong nakaraang linggo habang ang ICU utilization ay naitala sa 77.5% na high-risk din habang malapit na rin sa high-risk ang bed utilization na nasa 69.5%.

Ang Alert Level 4 ang ikalawang pinakamataas na alert level.  Nasa ‘high’ at patuloy na tumataas ang transmisyon ng virus habang high rin ang ICU at bed utilization.

Sa Alert Level 1, mababa at patuloy ang pagbaba ng impeksyon at mababa rin ang health care utilization; sa Alert Level 2, mababa pa rin ang impeksyon ngunit ang health care ay mababa pero tumataas; sa Alert Level 3, mataas na ang impeksyon at patuloy na tumataas habang tumataas na rin ang healthcare utilization.

Sa Alert Level 5 naman, dito ay nakakaalarma na ang hawaan ng virus at kritikal na ang healthcare utilization rate.

“During this time we must ramp-up active case finding, conduct risk-based testing using RT-PCR, and fast track vaccination among high-risk groups. There will also be intensified granular lockdowns from barangay down to the household level to contain transmission,” giit ni Vergeire.

Kaugnay nito, pinakilos na ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang lahat ng police commander sa Metro Manila para tumulong sa pagpapakalat ng impormasyon hinggil sa mga bagong panuntunan sa quarantine alert level system at pagbuo ng strategic enforcement at deployment sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region epektibo sa Setyembre 16.

Ang direktiba para sa mga tauhan ng PNP-NCRPO na pinamumunuan ni Major Gen. Vicente Danao, ay kasunod ng inilabas na guidelines ng pamahalaan noong Lunes na layong pigilan pa rin ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso nito sa nakalipas na mga araw.

Ayon kay P/Gen. Eleazar, “Sa paglabas ng mga alituntunin ng quarantine alert level system, inatasan ko na ang ating mga police commander sa Metro Manila na pag-aralang mabuti at patuloy na makipag-ugnayan sa mga LGU para sa strategic deployment at enforcement para sa maayos na pagpapatupad ng mga ito”.

Layunin din ng kautusan na maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad ng mga panuntunan na minsan ay nagreresulta sa walang kwenta at mainitang pagtatalo.

Sa ilalim ng mga bagong panuntunan, sakop ng alert level system ang buong lungsod o bayan na siyang pipigil at mangangasiwa sa pagkalat ng sakit kung saan bawat lokalidad ay ilalagay sa Alert level 1 hanggang 5 batay sa magiging pasya ng Department of Health.

Habang ipatutupad naman ang granular lockdowns sa mga kritikal na lugar na siyang tutukuyin naman ng mga lokal na pamahalaan. (RENE CRISOSTOMO/JESSE KABEL)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment