RECORD-BREAKING ang paglalarawan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa dami at halaga ng nasamsam na mga droga sa pinagsanib ng operasyon ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa unang bahagi ng buwan ng Marso.
Sa tala ng DILG, pumalo sa P13.2 bilyon ang halaga ng mga nakumpiskang droga ng pinagsanib na pwersa ng PNP at PDEA sa magkakahiwalay na operasyon sa National Capital Region (NCR) at Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
Kabilang sa imbentaryo ng kagawaran mula Marso 6 hanggang 9 ang 1,775.2 kilo ng shabu at 421.5 kilo ng marijuana.
Partikular na tinukoy ni DILG Secretary Eduardo Año ang operasyon kontra droga sa Karuhatan, Valenzuela nito lamang Marso 8 kung saan arestado ang isang Chinese national at kinakasamang Pinay, at nakuhanan ng 160 kilo ng shabu, katumbas ng halagang P1.08 bilyon.
Mas malaking kontrabando naman ang nasamsam ng mga operatiba noong Marso 16 sa Infanta, Quezon kung saan narekober ang 1,600 kilo ng shabu na may halagang P12 bilyon. Sampu ang naitalang arestado sa naturang anti-illegal drug operation.
Sa datos ng DILG, may kabuuang 1,794 operasyon kontra droga ang isinagawa sa loob lamang ng naturang mga petsa. Dalawa naman ang naitalang namatay habang 2,471 ang dinakip at 61 ang sumuko.
Kaugnay nito, hinimok ni Año ang PNP at PDEA na mas paigtingin pa ang kampanya laban sa malalaking mga sindikato sa likod ng kalakalan ng droga.
“I urge our drug enforcement agencies to further intensify their operations and target big drug syndicates so we can protect and save our people and our country from the ill effects of illegal drugs,” aniya. (LILY REYES)
109