PNP-PRO 7 DIRECTOR SINIBAK

TUMAGAL lang ng halos dalawang buwan bilang regional director ang isang opisyal ng pulisya matapos itong biglaang sibakin sa kabila ng pagkilalang kanyang nakamit sa mga ikinasang operasyon kontra illegal drugs at E-sabong.

Sa ulat, inalis ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Rodolfo Azurin Jr., si Brig. General Augustus Alba, bilang hepe ng Police Regional Office (PRO) 7.
Walang binanggit na dahilan sa pagkakasibak kay Alba na sinasabing sa loob ng kanyang halos dalawang buwang pamumuno sa PRO-7 ay nanguna ang rehiyon sa may malaking accomplishment laban sa ilegal na aktibidad.

Isa na rito ang pinakamalaking pagbaba ng krimen kumpara sa ibang mga rehiyon ng bansa.

Si Alba ay inilipat sa Directorate for Human Resource and Doctrine Development (DHRDD) sa Camp Crame habang pumalit sa kanya si dating PRO-3 (Central Luzon) Regional Director Brig. General Fornaleza Bearis na miyembro ng Philippine National Police Academy Class of 1993.

Itinalaga naman si dating DHRDD Director Brig. Gen. Alexander Tagum bilang hepe ng PRO-11.

Matatandaan na mismong si Azurin ang namuno nang palitan ni Alba ang nagretirong si Brig. General Roque Eduardo Vega bilang hepe ng PRO-7 noong Oktubre 13.

At sa maikling panunungkulan nito sa PRO-7, ipinagpatuloy ni Alba ang pinaigting na kampanya ng PNP kontra ilegal na droga at ang kampanya laban sa online sabong. Umaabot sa 283 indibidwal ang naaresto sa E-sabong mula Disyembre 5 hanggang 10.

Umaasa si Alba na maisasakatuparan ng bagong director ang kanyang pananaw na bumuo ng regionwide joint task force kontra ilegal na droga matapos ang isinagawang turnover of office ceremony nitong Martes, Disyembre 20, sa PRO-7 headquarters sa lungsod ng Cebu.

Umaasa rin ito na ibibigay ng publiko ang buong tiwala kay Beariz gaya ng pagtanggap ng mga ito sa kanya. (JESSE KABEL RUIZ)

43

Related posts

Leave a Comment