POGO FINANCE OFFICER SA BAMBAN, TARLAC HUB NADAKIP

NADAKIP ng magkasanib na pwersa ng Armed Forces of the Philippines, Presidential Anti-Organized Crime Commission at Bureau of Immigration ang umano’y finance officer ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban, Tarlac.

Kinumpirma ng PAOCC ang pagkakadakip sa kay Pan Meishu, isang Chinese citizen, at sinasabing tumatayong finance officer ng sinalakay na Zun Yuan Technology Inc., isang POGO hub na nagpapatakbo ng ilegal na operasyon noon sa Bamban, Tarlac.

Nahaharap si Meishu sa mga reklamong may kaugnayan sa umano’y human trafficking at paglabag sa immigration law ng bansa.

Ang operasyon ay isinasagawa sa bisa ng search warrant laban sa naturang POGO firm kaugnay sa mga ulat na sangkot ito sa human trafficking at iba’t ibang ilegal na aktibidad online.

Kinumpiska ng mga awtoridad ang dalawang sasakyan ng suspek mula sa kanyang mamahaling villa na nakapangalan mismo sa kanya.

Nabatid na inilunsad ang manhunt at law enforcement operation ng PAOCC katuwang ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines noong Huwebes.

Posibleng kaharapin din ni Pan Meishu ang mga kasong inihain laban kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, gaya ng human trafficking at money laundering, ani PAOCC Executive Director Gilbert Cruz.

Itinanggi naman ni Guo na siya ang nag-facilitate sa pagpasok ng POGO sa Bamban, Tarlac. Tahasan ding itinanggi nito na isa siyang Chinese spy kasabay ng paggiit na isa siyang Pinay. (JESSE KABEL RUIZ)

11

Related posts

Leave a Comment