POLICE CHIEF NA TAMAD SIBAK AGAD – PNP CHIEF

PARA kay Philippine National Police Chief General Rodolfo Azurin, walang lugar sa pulisya ang mga hepeng tamad at bingi sa dulog ng mamamayan.

Panawagan ni Azurin sa publiko, isumbong ang mga pulis na hindi gagalaw sa mga dulog ng sumbong at reklamo, kasabay ng pagtitiyak na kakastiguhin ang sinumang pulis – kesehodang heneral o ordinaryong pulis.

Babala pa ni Azurin, hindi siya magdadalawang isip na sibakin agad-agad ang mga pabaya sa sinumpaang tungkulin. Bukod sa nagkabisalang ordinaryong pulis, kabilang din ang kanilang hepe sa mananagot at posibleng dalhin sa kangkungan bilang parusa.

“Kung ang commander natin, hindi niya kayang disipilanhin o mapasunod ang kanyang kapulisan at hindi inaaksyunan ng immediate supervisor n’ya yan, sabi ko kailangan i-relieve na natin lahat yan. Palitan natin ng bagong miyembro ng kapulisan,” ani Azurin.

Binigyang diin rin ng PNP chief ang kahalagahan ng mabilis na pagtugon sa mga reklamo’t sumbong ng mga residente ng nasasakupang lugar ng isang istasyon o distrito ng kapulisan.

“Kailangan pa sigurong umabot sa may masasampolan para tumino ang mga tamad at walang malasakit ng mga mamamayan. Huwag natin kalimutan ang ating sinumpaan – to serve and protect.” (ENOCK ECHAGUE)

Related posts

Leave a Comment