POLICE GENERAL, 11 IBA PA KINASUHAN SA ABRA SHOOTING

ISANG police general at 11 iba pang mga tauhan ng Philippine National Police ang kinasuhan kaugnay sa nangyaring shootout sa isang COMELEC checkpoint na ikinamatay ng isang close-in bodyguard ng bise-alkalde sa bayan ng Pilar, lalawigan ng Abra.

Sa isang pulong balitaan, dinepensahan ni PNP chief, Police General Dionardo Carlos ang mga pulis na sinasabing gumaganap lamang sa kanilang tungkulin subalit nahaharap ngayon sa kasong murder kaugnay ng nangyaring shooting incident sa Pilar, Abra noong Marso 29.

Nilinaw ni Gen. Carlos na kanyang iginagalang at kinikilala ang trabaho ng National Bureau of Investigation na imbestigahan ang insidente.

Malinaw umanong  hindi pinansin ng convoy ni Pilar Vice Mayor Jaja Josefina Somera Disono ang checkpoint ng mga pulis kaya’t nauwi ito sa barilan na ikinamatay naman ng kanyang bodyguard.

Sinasabing may mga video footage din kung saan makikitang sinagasaan pa ng convoy ni Disono ang mga pulis.

May intelligence report din umanong inihayag si Cordillera Regional Director Police Brigadier General Ronald Lee hinggil sa paggamit ng armadong kalalakihan sa lugar.

Noong nakaraang linggo, kinasuhan ng NBI sa Department of Justice (DOJ) ang top police officers sa Cordillera Autonomous Region at Abra dahil sa nangyaring shooting incident na ikinamatay ni Sandee Boy Bermudo na tauhan ng vice mayor ng Pilar.

Mga reklamong murder, perjury, at incriminating innocent persons ang inihain ng NBI laban sa mga opisyal at tauhan ng Cordillera at Abra PNP na kinabibilangan nina Cordillera Regional Director P/BGen. Ronald Lee, PNP Abra Acting Provincial Director P/Col. Maly Castillo Cula, at Pilar Municipal Police Station chief P/Capt. Ronald Eslabra, at walong iba pang mga pulis.

Sinampahan din ng reklamo si COMELEC Pilar, Abra Election Officer II Rodrigo Basa II.

Inireklamo rin ang ilan pang hindi tukoy na pulis na mga miyembro ng Regional Mobile Force Battalion 15, Pilar Municipal Police Station, at Provincial Intelligence Unit ng Abra Provincial Police Office. (JESSE KABEL)

133

Related posts

Leave a Comment