POLITIKO SA NARCO-LIST NI DU30 SABIT SA P3.6-B SHABU SA SUBIC?

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

ITINUTURO ngayon ang isa sa mga politikong nakasama sa tinaguriang narco-list ng nakaraang administrasyon sa nasakoteng 530 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 billion sa isang warehouse sa Pampanga noong nagdaang Miyerkoles.

Ito ang umugong na balita sa loob at labas ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

Diumano, buhay na naman ang operasyon ng naturang politiko sa pagpupuslit ng ipinagbabawal na gamot na naapektuhan noong pangalanan siya ni dating Pangulong Rodrigo ‘Roa’ Duterte na kabilang sa narco-list.

Ayon sa report, ang pagkakarekober sa 530 kilos ng shabu ay resulta ng matiyagang pagtugaygay ng pinagsanib na pwersa ng National Bureau of Investigation, Philippine Drug Enforcement Agency at SBMA management.

Ang mga naturang kontrabando ay lulan ng barkong Sitc Sekou na mula bansang Thailand. Dumaong ito sa Subic Port noong Septembre 18.

Namonitor ito ng mga awtoridad at napagkasunduan na isagawa ang operasyon sa pamamagitan ng tinatawag na ‘controlled delivery,’ kung saan sinadyang paratingin muna sa Subic Port ang kontrabando saka sinundan patungo sa warehouse sa Mexico, Pampanga.

Marami naman ang nagtataka kung bakit nakatakas ang mga foreigner na nasa likod ng ‘shabu smuggling,’ gayung isa itong ‘controlled delivery operations.’

“Successful na sana ang operation dahil namonitor ang mga droga pagpasok at paglabas ng Subic. Pero bakit walang nahuling suspect?” sabi ng isang intelligence officer.

Ang 530 kilos ng shabu ay nakasilid sa kulay brown na karton ng ‘red tea bags’ at ‘golden tea bags’ na ang nakalagay naman ay chicharon at dog foods.

Ang tinutukoy na maimpluwensyang politiko ay kilalang malapit na kaalyado umano ng dating namamahala sa SBMA.

Matapos pangalanan ni Pangulong Duterte at isama sa ‘drug matrix, nag-lie low ito ng ilang buwan.

Naniniwala ang mga awtoridad na ang kalakaran ng pagpupuslit ng illegal na droga sa Subic ay dati nang nangyayari at nabuko na lamang ito dahil sa bagong administrasyon.

Ang SBMA ay pinamumunuan ngayon ni Chairman at Administrator Jonathan Tan na personal ding nag-monitor upang maging matagumpay ang ‘controlled delivery’ na ikinasa ng NBI at PDEA.

Kung matatandaan, Hulyo 2016 nang masakote naman ng PNP ang isang foreign vessel na ginagawang laboratoryo ng shabu.

Mismong si dating PNP chief at ngayo’y Senador Bato Dela Rosa ang nakahuli sa naturang barko na naglalayag sa coastline ng Subic, Zambales.

Apat na Chinese nationals mula sa Hong Kong ang naaresto sa naturang police operation na nagbigay patunay na sa mismong barko na ngayon ginagawa ang shabu.

96

Related posts

Leave a Comment