INATASAN ng isang grupo ng mga mambabatas sa Kamara ang mga kaukulang komite sa kapulungan na imbestigahan ang mga electric cooperatives na hindi maayos ang serbisyo at bawiin ang kanilang prangkisa kung kinakailangan.
Sa House Resolution (HR) 1302 na inakda ni House deputy majority leader Erwin Tulfo at mga kasamahan nito sa ACT-CIS party-list, Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City Rep. Ralph Tulfo, panahon na anila para imbestigahan ang mga non-performing na kooperatiba sa kuryente.
Ayon sa nasabing resolusyon, sangkaterba ang reklamo laban sa electric cooperatives dahil hindi maayos ang supply ng kuryente at walang katapusan ang mga blackout na hindi lamang nakaaapekto sa buhay ng consumers kundi sa ekonomiya ng mga lalawigan na sakop ng mga kooperatibang ito.
“Sa kabila ng mga reklamo ng brownout o kawalan ng kuryente ay patuloy pa rin naman ang pagbibigay ng pangit na serbisyo ng mga electric cooperative na ito sa kanilang mga naseserbisyuhan at nagtitiis na ang taumbayan,” ani Tulfo.
Gayunpaman, wala pa ring pagbabago ang serbisyo ng mga kooperatibang ito kahit napakaraming reklamo na laban sa mga ito bagkus ay lumalala pa kaya dehadong-dehado umano ang consumers.
“Panahon na upang silipin natin ang pangit na serbisyo ng ilang power companies na ito sa pamamagitan ng pag-rebyu ng mga prangkisa nila, pagkansela kung kinakailangan, at pagpasok ng mga bagong power players sa lugar,” ayon sa mambabatas.
(BERNARD TAGUINOD)
206