PRO-3 KINALAMPAG SA TALAMAK NA SUGALAN, PERYAHAN SA BULACAN

bulacan

KINALAMPAG ng iba’t ibang sektor ng lipunan ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa umano’y garapalang operasyon ng mga ilegal na sugal sa nagkalat na mga peryahan sa lalawigan ng Bulacan.

Ayon mismo sa kalipunan ng mga peryodista sa nasabing lalawigan, kabi-kabilang mga reklamo mula sa hanay ng mga kababaihan, ang natatanggap ng kanilang hanay kaugnay ng operasyon ng color games at iba pang sugal lupa sa mga peryahan sa mga bayan ng Bulacan.

Kaugnay nito, hinamon ni Omar Padilla na tumatayong pangulo ng Bulacan Press Corps (BPC), sina Police Regional Office 3 (PRO3) Director, Brig. Gen. Cesar Pasiwen at Bulacan Police Provincial Office (PPO) OIC director, Col. Relly Arnedo na puntiryahin ang operasyon ng mga ilegal na pasugalan na tampok sa mga peryahan sa nabanggit na lalawigan.

Iba naman ang paniniwala ng mga dumulog sa BPC. Sa panayam sa isang lider-kababaihan (na nakiusap na huwag munang banggitin ang kanyang pagkakakilanlan), hayagang pinasaringan nito ang ilang personalidad sa hanay ng PNP na umano’y tumatanggap ng lingguhang payola kapalit ng proteksyon sa ilegal na negosyo.

Aniya, lubhang nakababahala ang lantarang operasyon ng mga ilegal na pasugalan na kinahuhumalingan ng mga padre de pamilya at maging ng mga kabataang edad 7-anyos pataas.

“Malinaw naman ang mensahe ng Pangulo (Ferdinand Marcos Jr.) sa kanyang unang SONA (State of the Nation Address), ‘di ba? Ayaw niya ng mga sugal na nakakasira sa mga pamilya. Bakit dito sa Bulacan, garapalan ang operasyon nina Jessica at Beth?”

Bukod sa hanay ng mga kababaihan, nagpahayag din ng pagkadismaya ang iba’t ibang religious groups bunsod naman ng anila’y operasyon ng illegal bookies sa nasabing probinsya.

“Bakit pinapayagan ng mga lokal na pamahalaan, mga nakakasakop na barangay at mga lokal na pulisya ang nasabing pasugalan gayung alam naman na bawal.”

Samantala, isang tawag naman ng impormante ang nagnguso sa ilang tiwaling opisyal ng PNP, barangay at mga pekeng media, na tumatanggap umano ng regular na payola mula sa mga operator ng ilegal na pasugalan (kabilang ang color game at drop ball) sa mga peryahan sa bayan ng Meycauayan ng naturang probinsya. (ELOISA SILVERIO/ RENE CRISOSTOMO)

36

Related posts

Leave a Comment