PROGRAMA SA MGA MAG-AARAL IPINAGPAPATULOY NG MPD

SA ikalawang pagkakataon, muli namang nabigyan ng P500 halaga ng ayuda ang 35 estudyante ng Isabelo Delos Reyes Elementary School sa Tondo, bilang bahagi ng buwanang allowance na ipinagkaloob ng Manila Police District – Moriones Police Station, nitong Lunes ng umaga sa Morga St., Tondo.

Bandang alas-10:00 ng umaga, pinangunahan ni Police Lieutenant Colonel Harry Ruiz Lorenzo III, station commander, kasama ang kanyang mga tauhan, kabilang si Police Lieutenant Henry Mariano, hepe ng Station Community Affairs Development Section (SCAD), sa pamamahagi ng P500 bawat isa sa 35 estudyante na pawang mula sa  mahihirap na pamilya.

Sinaksihan naman ito nina Mrs. Eleodora B. Vergara, Principal IV, ng Isabelo Delos Reyes Elementary School, at faculty members.

Isang Fidel Zapanta, kinatawan mula sa Divisoria Riders Club, at mula sa Station Advisory Council na sina Jarold Go, at Edwin Fan, ang nag-abot ng cash assistance sa mga mag-aaral.

Hindi naman tinukoy kung sino ang pilantropo sa naturang ipinagkaloob na biyaya.

Ang nasabing pamamahagi ng ayuda ay mula lamang nitong Nobyembre 2022 hanggang sa matapos ang taon.

Ang programang para sa “poorest of the poor” na mga pamilya na nangangailangan ng pinansiyal na tulong, ay bahagi ng proyektong “Kasimbayanan, Simbahan at Pamayanan” sa direktiba nina MPD Director P/BGen. Andre Perez Dizon, kasana sina PNP chief, P/Gen. Rodolfo Azurin Jr. Ito ay framework ng Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan equals Kaunlaran program ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, Regional Director ng NCRPO. (RENE CRISOSTOMO)

21

Related posts

Leave a Comment