ILANG linggo matapos mabulilyaso ang 10 flight attendants ng Philippine Airlines dahil sa pasalubong na mga sibuyas at prutas, tatlong biyahero naman mula mga bansang Canada at China ang posibleng maharap sa kaso bunsod ng bitbit na karne at prutas na pasalubong sa mga kaanak na bibisitahin.
Sa imbentaryo ng Bureau of Plant Industries (BPI), kumpiskado mula sa mga biyahero ang dalawang kilong broccoli, apat na kilo ng pinatuyong kabute, tatlong kilong dragon fruits, apat at kalahating kilo ng mansanas, tatlo’t kalahating kilo ng longan, isa’t kalahating kilo ng kahel (orange) at isang kilong karne ng baboy.
Giit ng BPI, nabigo ang tatlong biyahero na magpakita kaukulang permiso mula sa kanilang tanggapan.
Batay sa impormasyong nakalap ng Saksi Ngayon, galing sa Canada at Xiamen (China) ang tatlong pasaherong lulan ng Philippine Airlines (PAL) PR flight 117, at Xiamen Airlines.
Ayon sa Bureau of Quarantine, ang anomang uri ng produktong agrikultura mula sa ibang bansa ay mahigpit na ipinagbabawal na ipasok sa Pilipinas sa hangarin ng pamahalaan na pangalagaan ang kaligtasan at kalusugan ng mamamayan. (FROILAN MORALLOS)
