SA gitna ng pagtaas ng kaso ng typhoid sa bansa, nanawagan si Senate Committee on Health Chairman Christopher ‘Bong’ Go sa mga Pilipino na maging vigilante at palagiang iprayoridad ang kanilang kalusugan.
Hinimok ni Go ang publiko na palagiang tiyakin ang kalinisan sa katawan at agad na magpakonsulta sa sandaling may naramdamang hindi Maganda sa katawan.
Ito ay makaraang ilabas ng Department of Health ang datos na umabot na sa 17,531 ang kaso ng typhoid ngayong taon.
Ang bilang ng typhoid cases mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon ay mataas ng 38% kumpara sa kaparehong panahon noong isang taon.
Sinabi ni Go na dapat maging vigilante ang lahat sa mga sintomas ng sakit na kinabibilangan ng lagnat at pagsusuka.
“Mahalaga ring magtulungan tayo para maiwasan ang pagkalat ng mga sakit na ito. Huwag nating kalimutan ang tamang kalinisan at sanitation sa ating mga tahanan. Siguruhing laging malinis ang ating mga paligid at inumin ang ligtas na tubig,” diin ni Go.
Hinimok din ni Go ang gobyerno at health agencies na paigtingin ang kanilang kampanya upang maturuan ang publiko kung paano maiiwasan ang naturang sakit, palakasin ang healthcare services at magpatupad ng istriktong hakbangin upang matiyak ang ligtas na pagkain at inuming tubig.
(DANG SAMSON-GARCIA)
117