SA halip na aguinaldo ngayong Pasko ang matanggap ng mga Public Utility Jeep (PUJ) driver mula sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., mawawalan ang mga ito ng trabaho.
Ito ang pahayag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas dahil itutuloy umano ng gobyerno ni Marcos na tanggalin sa mga kalsada o phaseout ang mga tradisyunal jeep pagsapit ng December 31, 2023.
“Ito ang pamaskong handog ng ating gobyerno: malawakang kawalan ng trabaho at kabuhayan,” ani Brosas.
Ayon sa mambabatas, wala nang atrasan ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) at binibigyan lamang ng hanggang katapusan ng taon ang mga tsuper at operators para bumuo ng kooperatiba para magkaroon ng modernong jeep na ipapalit sa mga traditional jeep.
Tiyak na titigil na lamang sa pamamasada ang mga driver at operators dahil hindi nila kakayanin ang halaga ng modernong jeep na umaabot sa P2,000,000 kumpara sa P150,000 hanggang P250,000 na traditional jeep.
Bagama’t popondohan ng Land Bank of the Philippine ang modernisasyong jeep, imposibleng kakayanin aniya ng isang tsuper o operator ang P2,000 kada araw na hulog lalo na’t hanggang P160,000 lamang ang subsidiya na ibibigay ng gobyerno sa kanila.
Mababaon lamang umano sa utang ang mga driver at operators kaya kapag tumigil ang mga ito sa pamamasada ay lalong lolobo ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
(BERNARD TAGUINOD)
417