PULIS-EPD, 3 PANG TIRADOR NG KABLE TIMBOG

ARESTADO ang isang pulis na nakatalaga sa Eastern Police District (EPD), kasama ang tatlo pa nang maaktuhan na ninanakaw ang mga kable ng PLDT sa manhole ng Barangay Krus na Ligas, Quezon City noong Martes ng madaling araw.

Kinilala ang mga suspek na sina Ivan Fritz Sacdalan Valtiedaz, 26, BS Criminology student; Richard Carbajal Repal, 32, construction worker; Nedrick Santos Suing, 25, sales assistant ng Uratex, at ang pulis na si Pat. Francis Arcenas Baquiran, 27, nakatalaga sa EPD.

Ayon sa report ng Quezon City Police District (QPD) Anonas Police Station 9, bandang alas-1:50 ng madaling araw noong Agosto 30 nang maaktuhan ang pagnanakaw ng mga suspek ng kable sa PLDT manhole sa C.P. Garcia St. malapit sa Baluyot basketball court sa Brgy. Krus Na Ligas, ng nasabing lungsod.

Sa  imbestigasyon ni PCMS Rodolfo C Ramos Jr., bandang alas-1:00 ng madaling araw, nagsagawa ng one time big time operation ang mga operatiba ng PS-9 na sina P/Cpl. Jacky Dela Peña, P/Cpl. Mardie Edden Paulino, P/Cpl Nathaniel Gatchalian at Pat. Verlin Gelig, kasama ang security officers ng PLDT na sina Ildefonso Bernadas Jr., Judith Delos Santos Catembung, Lorante Bacala Abarra at Jose Rollo Rodeo Jr. y Rollo, pawang ng Saint Claire Security Agency.

Ang operasyon ay bunsod ng reklamo ng PLDT Corp. kaugnay sa nagaganap na pagnanakaw ng kanilang mga kable.

Naaktuhan ng mga operatiba ang pagnanakaw ng mga suspek ng PLDT copper cable sa manhole sa nasabing barangay kaya inaresto ang mga ito.

Nasamsam mula sa mga suspek ang 100 PLDT copper cable, 3000 pairs x 26 gauge, isang Taurus Bainbridge GA G3c 9×19 cal. 9mm with serial No. ACA47683 na loaded ng pitong bala at dalawang Canik magazine caliber 9mm na may laman na siyam na bala na pag-aari ng naarestong pulis-EPD.

Ang ninakaw na mga kable ay isinakay sa puting Foton wing van na may plakang NCX 3882 na nakarehistro sa pangalang Grace Obrero Martinez  ng Santa Rosa, Laguna.

Inihahanda na ang kasong pagnanakaw at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa mga suspek. (LILY REYES)

86

Related posts

Leave a Comment